Sen. Villar, nagalit dahil sa mahal ng bawang

Zandro Ochona, ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2017 03:15 PM | Updated as of Jul 11 2017 12:33 AM

MANILA - Nasermunan ni Sen. Cynthia Villar ang Bureau of Plant Industry hinggil sa pagtaas ng presyo ng bawang sa bansa.

Sinabi ni Villar, pinuno ng Senate Committee on Agriculture and Food, na hindi na dapat maulit ang nangyaring cartel sa bawang noong 2014.

Ayon kay Villar, P14 lamang kada kilo ang kailangang puhunan para makapag-produce ng lokal na bawang na ibinebenta ng hanggang P150 kada kilo.

Ang imported na bawang naman ay P17 kada kilo ang puhunan kung kaya hindi maintindihan ni Villar kung bakit kailangang umakyat ng P200 hanggang P300 ang kada kilo ng bawang sa merkado.

Naniniwala si Villar na posibleng bumalik ang cartel na kumokontrol sa presyo ng bawang.

Sa kalkulasyon ni Villar, kumikita ang cartel ng P1 bilyon kung nasa P200 ang kada kilo ng bawang at umaakyat ito sa P2 bilyon kapag nasa P300 naman ang kada kilo.

Nang hingin ni Villar ang address ng mga negosyante na binigyan ng import permits, hindi ito maibigay ng BPI, dahilan upang magtaas ng boses ang senadora.

Nais ni Villar na ikumpara ang panglan ng may-ari, kumpanya at address ng mga kasalukuyang binigyan ng permit sa mga dating isinasangkot sa garlic cartel noong 2014.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.