Suplay ng bigas na binibigay sa retailers, limitado

ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2017 06:07 PM | Updated as of Jul 01 2017 10:18 AM

Limitado na ang suplay ng bigas na ibinibigay ng National Food Authority (NFA) sa ilang retailer dahil sa pagbaba ng buffer stock, at hinihintay pa ang aangkating bigas.

Umaabot sa 100 bag ng NFA rice ang madalas na kinukuha ng retailer na si Jenny Mercado. Pero ngayon, hanggang 50 bag na lang ang ibinibigay sa kanya.

“Fifty na lang binibigay, ‘di pa dumadating bigas galing ibang bansa… Hinahanap nila ang bigas na NFA… mga walang pambili ng bigas na mahal… Kailangan talaga meron,” ayon kay Mercado.

Aminado ang NFA na limitado ang ibinibigay na bigas sa ibang retailer dahil patuloy na bumababa ang buffer stock.

Sa ganitong paraan anila masisigurong may NFA rice sa merkado hanggang dumating ang mga imported rice.

“Ang importante araw-araw meron… Meron pa rin probinsiya na no limitation kung ano gusto nila, naiibigay nila. Hindi lahat ng probinsya ay kakaunti ang stock,” paliwanag ni NFA spokesperson Mayette Ablaza.

Ngunit hindi pa umuusad ang proseso sa pag-angkat ng 250,000 metric tons na bigas na Mayo pa naaprubahan.
 
Paliwanag ng ahensiya, inaayos pa ng NFA council ang terms of reference o mga kundisyon bago magsimula ang bidding.
 
Ngayong Hulyo ang lean season at simula ng tag-ulan at siya ring panahong kailangan na 30 araw ang buffer stock ng NFA.
 
Kapag kulang ang supply, hindi sila makakapaglabas ng sapat na bigas sa palengke para bumaba ang presyo sa tag-ulan.
 
Ginagamit din ang buffer stock na bigas kapag may kalamidad.
 
Siniguro naman ng NFA na handa silang tugunan ang kakulangan mula sa kanilang security stock.
 
Inaasahang darating ang unang batch ng imported rice sa Hulyo 31 o sa unang linggo ng Agosto.
 
-- Ulat ni Carolyn Bonquin, ABS-CBN News