Lango sa tagumpay: negosyong beer na nagsimula sa likod-bahay

ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2017 07:04 PM

Pinatunayan ng isang negosyante na hindi lang pang-"good time" inuman ang beer, kundi maaari rin itong pagkakitahan upang pati ang buhay ay maging isang pangmatagalang "good time" din.

Mula sa paggawa ng beer sa kanyang sariling bakuran, napalago ni Ian Paradies ang Engkanto Brewery. 

Dating may regular na trabaho sa isang malaking kumpanya si Paradies.

Pero dahil sa kagustuhan niyang gumawa ng espesyal na beer para sa mga Pilipino, nag-resign siya sa trabaho at sinimulan ang negosyo. 

“I love the idea of giving Filipinos affordable beer pero premium," ayon kay Paradies.

Kuwento ni Paradies, noong una ay natakot din siya at kinuwestiyon kung tama ba ang kanyang desisyon na iwan ang trabaho.

“It’s a new business, you question yourself, what am I doing? Is it the right decision for me to put up this business and leave a job that was stable. But it is something I wanted to do. It was a dream... It was worth all the risk," ayon kay Paradies. 

Sinimulan niya lamang sa sariling bakuran ang pagawaan ng beer. Naghanap din si Paradies ng mga taong makatutulong sa kanyang negosyo.

Ipinatikim muna ni Paradies sa mga kaibigan ang kanyang beer at patuloy na nag-experiment hanggang sa makuha ang tamang timpla.

Sa ngayon, may malaki-laki na siyang pabrika ng beer. Hindi pa binobote ang beer para maibenta sa mga suking tindahan, pero nagsu-supply na ang Engkato Brewery ng litro-litro nito para sa mga bar, resto, at private events.

Payo naman ni Paradies sa mga balak magtayo ng negosyo, mahalagang simulan ito sa hilig.

“Do something you love talaga... Do not be scared to take risk.”

Paano ginagawa ang Engkanto beer?

Ibinahagi rin ni Paradies ang mga hakbang sa paggawa ng Engkanto beer.

Paliwanag niya, apat na sangkap lang ang kailangan sa paggawa ng beer: tubig, malt, yeast, at hops.

Una ay hinahalo ang malt sa tubig at pinapainitan. Saka naman ilalagay ang hops na galing sa halaman at nagbibigay ng lasa at aroma sa beer.
 
Ang timpladong tubig ay pinakukuluan, sinasala, at binuburo ng dalawang linggo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.