Pagpalo sa P53.23 ng palitan ng piso vs dolyar, 'di dapat ikabahala'

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2018 12:59 AM

Hindi dapat ikabahala ang pagpalo sa higit P53 ng palitan ng piso kontra dolyar, ayon sa ilang eksperto. 

Nagsara nitong Miyerkoles ang halaga ng piso sa P53.23 -- ang pinakamahinang antas sa nakalipas na 12 taon.

Tingin ng isang analyst, walang dapat ipangamba sa mahinang palitan.

"I don't think it is any cause for problem, until we reach P55. As long as it is a gradual increase," ani Benny Chan, treasurer ng China Bank. 

Sabi rin ng ibang economic managers, hindi dapat ikabahala ang mahinang piso dahil hindi naman daw ito nangangahulugang mahina ang ekonomiya.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Epekto raw ito ng planong pagtaas ng interest rates ng Amerika kaya't naglilipatan ang mga investor at fund manager sa dollar investments at iniiwan ang ibang currencies. 

Nakadagdag sa paghina ng piso ang lumaking "trade deficit" ng bansa.

Ibig sabihin, mas malaki at marami ang inangkat sa ibang bansa kaysa sa in-export nito. 

Kailangan kasi ng mga imported na equipment para suportahan ang programang "Build, Build, Build" ng gobyerno at iba pa.

Dahil mas malaki ang imports, mas malaki rin ang pangangailangan sa dolyar kaysa sa piso kaya't humina lalo ang piso sa palitan ngayong araw.

"That's really a function of the US increasing their interest rates and obviously, the imports we are getting from our infrastructure spending," ani Riche Lim na analyst ng BPI Securities.

Kahit mahina ang piso, sinasabing makikinabang naman ang sektor ng business process outsourcing (BPO), remittances, at exports.

Isa ang ginang na si Angelita Tomati sa nakararanas ng mas mataas na halaga ng remittance mula sa anak na nagtatrabaho sa Korea bilang factory worker dahil sa paghina ng piso.

Gayunman, kahit nadagdagan ang natatanggap niya, parang hindi rin daw niya naramdaman ito dahil sa pagmahal ng presyo ng bilihin.

"Bibili kami ng bigas dati, isang kaban nasa P1,800 lang, ngayon nasa P2,000 na," anang ginang. 

Batay naman sa datos ng ABS-CBN data analytics team, bumaba pa ang exports at bumagal ang paglago ng remittances nitong mga nakaraang buwan.

"Exchange rate is only a portion... Bumagsak ang mga produkto natin dahil, among others, agricultural products natin, wala tayong mai-export, kulang," ani Sergio Ortiz Luis, presidente ng Philippine Exporters Confederation, Inc. (Philexport).

-- Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.