ALAMIN: Epekto sa turismo ng pagsadsad ng piso kontra dolyar

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2018 09:21 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Patuloy ang pagbulusok ng piso na nasa pinakamababang antas na sa loob ng 12 taon.

Ngayong Huwebes, humina na naman ito at nagsara sa P53.27 kontra dolyar. Sa taong ito lang, bumagsak na ito nang halos 7 porsiyento -- isa sa pinakakulelat sa Asya. 

Paliwanag ng mga analyst, ang dolyar ang lalong lumakas matapos magtaas na naman ng interest rate ang Amerika upang mas makapang-akit ng mga investor.

Para naman sa isang ekonomista, panalo ang mga foreigner na bumibisita ngayon dahil mas malayo ang mararating ng kanilang dolyar.

"Magiging mas attractive tayo puntahan ng investors at turista kasi mas mura, mas malakas ang ganansiya ng pera nila if gagastusin dito," ani BDO economist Jonas Ravelas. 

Isa sa mga makikinabang dito ang mga dayuhang turista na sina Takaki Sugiyama at kaniyang kapatid. Bayad na raw ang buong biyahe nila at tanging pasalubong na lang ang kailangang intindihin.

"We will spend around $20-$30 for souvenirs, food or maybe less, since we can get more for the dollar," ayon kay Sugiyama.

Kung ang $30 ni Sugiyama ay ipinalit sa piso noong umpisa ng taon, makakakuha lang siya ng halos P1,494.90, pero ngayon ay katumbas na ito ng halos P1,600.

Mga masasapul

Pero para naman sa mga Pilipinong nais mag-abroad, sila ang magiging talo sa palitan.

Mas maraming piso kasi ang kakailanganin para bumili ng dolyar na gagamitin abroad.
    
Paliwanag naman ng isang travel company, hindi ganoon kabilis makita ang epekto sa turismo ng paggalaw ng piso dahil kadalasang maaga bumili ng ticket ang mga tao.

"It takes them on average 6 months to decide to go to a place...Kahit nag-depreciate ang peso, marami namang mga promo offer ang airlines para ma-compensate ang pagtaas ng dollar," ayon kay Aileen Clemente, presidente ng Rajah Travel Corporation.

Pati ang shopping habits ng mga Pinoy, apektado rin ng humihinang piso.

"Kung mahilig ka sa imported goods, tatamaan ka," ayon kay Ravelas.

Sa tingin naman ni Ravelas, pansamantala lang ang paghina ng piso at babalik din ito sa normal sa katapusan ng taon kung kailan inaasahan ang pagpapadala ng mga OFW ng remittances sa Pasko.

--Ulat ni Michelle Ong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.