Presyo ng asukal tataas kung di mag-aangkat ng suplay

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2018 11:49 AM | Updated as of Jun 13 2018 12:37 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MANILA - Nagbabadyang umakyat ang presyo ng asukal kung hindi mag-aangkat ng karagdagang suplay ang pamahalaan, babala ng Sugar Regulatory Administration ngayong Miyerkoles. 

Bumaba ng 14.24 porsyento ang produksyon ng raw sugar kumpara noong nakaraang taon, paliwanag ni SRA administrator Hermenegildo Serafica.

Ito aniya'y dahil sa epekto ng masamang panahon, dagdag pa sa desisyon ng maraming magsasaka sa Bukidnon na magtanim na lang ng saging at pinya imbes na sugar cane. 

Kasabay rin aniya ng pagbaba ng suplay ang paglakas ng konsumo makaraang magpasya ang 2 kumpanya na palitan ng asukal ang corn syrup na inilalahok ng mga ito sa softdrinks. 
 
Banggit pa ni Serafica, tumaas na sa P2,000 kada kilo ang farmgate price ng asukal mula sa P1,175 kada kilo noong nakaraang taon.

Hindi pa naman aniya gumagalaw ang retail price ng asukal, pero maaaring tumaas na ito kung hindi magkakaroon ng dagdag na suplay. 

Target aniya ng SRA na mag-angkat ng 200,000 metric tons ng asukal, na kalahati'y ilalaan para sa mga beverage companies sa bansa.

"Hindi talaga natin mapigilang mag-import dahil we do not want na magkaroon tayo ng shortfall sa domestic supply," ani Serafica.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.