Gas, bawas-presyo; taas-pasahe, ihihirit kung...

ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2017 06:00 PM | Updated as of Jun 13 2017 12:42 AM

Nakatakdang bumaba muli ang presyo ng diesel, gasolina at gaas simula mamayang hatinggabi. Samantala, maaaring humirit ang mga transport group ng dagdag-pasahe kapag umarangkada na ang unang bugso ng dagdag presyo dahil sa excise tax.

Nasa 95 centavos kada litro ang bawas sa presyo ng diesel, 80 centavos sa gasolina, P1.20 sa kerosene.

Epektibo ang rollback 12:01 a.m. ng Hunyo 13 para sa Flying-V at Seaoil, at 6 a.m. naman para sa Shell, Petron, Phoenix, Eastern, PTT, at Unioil. 

Pero sa kabila ng sunod sunod na rolbak, tiniyak ng mga transport group na hihirit sila ng dagdag-pasahe kapag tumaas ang presyo ng diesel dahil sa excise tax.

Maaaring P9 na o hanggang P10 ang hilingin ng mga grupo, ayon kay Obet Martin, pangulo ng Pasang Masda. 

Nawala na rin daw kasi ang mga diskuwento ng mga jeepneys sa maraming gasolinahan.

Ayon naman sa kuwenta ng grupong 1-UTAK, lalabas na ang average na konsumo ng public utility jeepney ay 40 litro kada araw. At mababawas sa kita ng driver ang P130 kada araw kung aakyat ng lagpas P3 kada litro ng diesel

"To offset this, you have to increase fares by at least p0.65 or rounded off to P0.75," ayon kay Atty. Vigor Mendoza. 

Kaya sa kuwenta ng grupo, dapat nasa 75-centavos ang ihihirit nilang dagdag pasahe.

Ppero ang ideya naman ng grupong Fejodap, isang bagsak na excise na para isahan na rin daw ang dagdag presyo sa bilihin at pagtaas ng pamasahe, hindi tatlong bugso gaya ng naaprubahang panukala sa Kamara.

Ang plano kasi ng gobyerno, lagpas P3 dagdag sa 2018, lagpas P2 sa 2019 at mahigit piso sa 2020.

Pero paliwanag ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board, kailangan maghain muna ng petisyon at idadaan ito sa hearing kung saan ipapatawag lahat ng apektado.

Ibang programa na lang daw sana imbes na Pantawid Pasada ang gawin ng gobyerno para matulungan ang mga tsuper na makaagapay sa pagmahal ng bilihin.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.