Retaso ng pangarap: Patahian nagsimula sa inutang na P500

ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2017 09:57 AM

Nagsimula sa inutang na P500 ang negosyong patahian ni Jaycee Faminialagao. 

Sa edad na 28 anyos, asensado na si Faminialagao dahil sa paggawa ng iba't ibang klase at istilo ng uniporme.

Subalit bago niya nakamit ang tagumpay, nagtiis siya sa hirap. 

Kuwento ni Faminialagao, nanghiram siya ng P500 sa kanyang kaibigan bilang pamasahe papunta sa miting kasama ang kanyang unang kliyente. 

Nais magpagawa ng 1,200 piraso ng polo shirt ang kanyang unang kliyente para sa kanilang kumpanya, ngunit hindi marunong manahi at hindi rin marunong magdisenyo ng damit si Faminialagao. Sa kabila nito, naisip niyang gawin itong negosyo dahil may nangangailangan. 

"Since may um-order at may nangangailangan, I took the risk," ayon sa kanya.

Kumuha ng sub-contractor si Faminialagao upang manahi ng mga in-order na damit. Ang paunang deposito ng kanyang kliyente ang kanyang ginamit upang pambili ng materyales at pambayad sa mga mananahi. 

Naging matagumpay ang unang proyekto niya, kaya ang kaunting kinita ay ginamit upang pambili ng mga makina. 

Itinuloy-tuloy niya ang paggawa ng mga damit hanggang dumating ang hinihintay niyang 'big break': nagpagawa ng 16,000 uniporme ang Polytechnic University of the Philippines sa kanya. 

"Ang hirap. Hanggang madaling araw, ako mismo ang nagti-trim niyan. Ako mismo nag-o-oversee. Siyempre, sinasamahan natin ang ating mga mananahi para magpursige rin sila," aniya. 

Tiniyaga ni Faminialagao ang paggawa ng mga inorder ng kliyente, at mula noon, iba-ibang eskuwelahan pati mga opisina ang umoorder na sa kanya. 

"Naging diligent ako sa mga small beginnings. Kahit maliit ang puhunan man, pinagsusumikapan ko. Tapos nagtatarabaho ako hanggang alas-3, alas-4 kasi gusto kong umunlad ang kumpanya." 

Pagsubok at mga payo

Inamin naman ni Faminialagao na hindi naging madali ang kanyang paglalakbay sa negosyong ito. 

Ikinuwento niya na isa sa pinakamalaking dagok sa kanya ay noong may ilang buwan siyang walang maipasuweldo sa mga tao. 

Aniya, may dalawang buwan siyang hindi makapagpasuweldo sa mga mananahi niya, subalit laking pasasalamat niya dahil hindi siya iniwan dahil sa tindi ng kanilang samahan. 

Kaya ipinapayo ni Faminialagao sa mga nais maging negosyante, "Sa mga usapan, kailangang makatao at patas, sa pagpapasuweldo nang tama, pagpapasuweldo nang husto, pagpapasuweldo sa tamang oras. Huwag din silang tratuhin na parang alipin."

Mahalaga kasi ang mga tauhan, lalo na kung dami rin ng produkto ang inaasahang ibigay sa loob ng limitadong oras. 

Kailangang maging maalam sa pagkalkula ng lead time bago ang itinakdang deadline sa pag-deliver ng mga produkto. 

"Commitment iyan kasi di tayo puwedeng mapahiya sa mga clients. We should know how to deliver," aniya. 

Pagbabahagi ng kaalaman at pagpapala

Nakagiginhawa man sa buhay ngayon si Faminialagao, hindi siya nakalilimot magbahagi ng kanyang mga pagpapala sa iba. 

Tinuruan niya ang ilang residente ng Capas, Tarlac kung paanong maayos na magpatakbo ng mga negosyo. 

Nais din niyang hikayatin ang mga negosyante at ang mga residente na magbahagi ng natatanggap nilang pagpapala.

"Bilang patunay na kayo ay umaasenso at tayo ay matagumpay na negosyante, tayo ay magshe-share ng ating blessings. Gusto ko sanang ibahagi na ang ating mga makakain ay galing sa sarili nilang bulsa, hindi sa bulsa ko," ayon sa kanya. 

Bilang pasasalamat sa kanilang pag-asenso, sila ay nagsalo-salo sa ambag na pagkain ng mga grumadweyt.

Namigay din ng mga damit si Faminialagao sa komunidad, dahil kailangan nila ito. 

Bakas sa mga residente ang tuwa, gayon din ang saya ni Faminialagao. 

"Very fulfilling. Despite na pagod ako sa work from Monday to Friday, nagiging source of inspiration ko siya, kasi somehow, kapag nagtuturo ako, ang nagiging effect niya sa akin, dapat naa-apply ko siya sa sarili kong business," aniya. 

Gaya ng mga uniporme niya, unti-unti ring binuo ni Faminialagao ang mga retaso ng kanyang pangarap upang maging magandang kuwento ang kanyang pag-asenso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.