ALAMIN: Financial literacy para sa OFWs at mga kapamilya

ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2016 03:15 PM

Hindi madali ang kumita ng pera. Ngunit, para sa mga nagkaroon ng pagkakataong makahanap ng mas maiging oportunidad sa ibayong dagat, tila ba mas mahirap ang pangalagaan ito.

Kaugnay nito, isang grupo ang inorganisa na naglalayong magbahagi ng kaalaman tungkol sa finance at investments.

Sa panayam ng DZMM kay personal finance at investment educator Bernard Gutierrez, naitatag aniya ang Angat Pilipinas Coalition for Financial Literacy, Inc. (APCFLi) upang maging gabay sa mga OFW na nais malaman kung saan ba nila dapat dalhin ang kanilang pera.

Kuwento ni Gutierrez, bilang isang OFW sa Gitnang Silangan, nakita niya kung paano ang paghawak ng mga kapwa-OFW ng pera.

"Marami sa kanila, hindi alam kung saan dadalhin ang pera. Minsan ipinapadala lahat, mayroong ginagastos sa mga bagay na hindi naman kailangan."

Dahil dito, naisipan niya na kailangan magkaroon ng isang grupo na magtuturo kung paano pangangalagaan ang kita.

Diin nito, "hindi naman habambuhay kikita ka ng ganyan kalaki, hindi habambuhay, may kontrata ka abroad."

Ang APCFLi ay binubuo ng mga volunteer na financial bloggers. Naibabahagi ang mga kaalaman nila sa pamamagitan ng online seminars o webinars.

Samu't sari ang mga paksa ng webinar tulad na lamang ng financial stewardship, paano makalalaya sa utang, at online entrepreneurship.

Ani Gutierrez, itinuturo nila ang tamang mindset at kung paano tutukuyin kung ano ba ang totoong kailangan at ano ang gusto lamang.

Kanila ring ibinabahagi ang mga bagay at instrumentong maaaring paglagakan ng pera upang lumag pa.

"Hindi ito ay nababagay sa lahat, pero tinuturo natin kung paano mag-invest sa stock market, mutual funds, paano ka mag-oopen ng ganitong accounts habang nasa abroad, paano magsimula ng negosyo kahit nasa abroad ka."

Dagdag pa nito, "walang excuses para hindi ka maging negosyante."

Dahil hindi lamang dapat OFW ang dapat marunong sa matalinong pangangasiwa ng pera, tinuturuan din ang mga pamilya ng mga OFW.

"Hindi pwedeng OFW lang ang tuturuan tapos ang pamilyang naiwan dito ay waldas din ng waldas."

Pinupuntahan aniya ang mga pamilya at binibigyan ng workshop kung paano dapat ginagastos ang perang ipinapadala.

Sentro rin sa pagtuturo ang pagpapahalaga sa biyaya ng Diyos. "Tinuturo namin na ang kinikita niyo, hindi inyo, ito'y pinagkatiwala ng Diyos para makatulong sa iba."

Ani Gutierrez, ang mga aralin na hatid ng APCFLi ay maaaring makita sa kanilang website. Maaari ding makipag-diskurso sa OFW Usapang Piso Forum