Langis, taas-presyo sa ikatlong sunod na linggo

ABS-CBN News

Posted at May 29 2017 05:43 PM | Updated as of May 30 2017 01:21 AM

(UPDATED) Sa ikatlong sunod na linggo, sisipa na naman ang presyo ng produktong petrolyo.

Tataas ng P0.75 ang presyo kada litro ng diesel, P0.55 ang kada litro ng gasolina, at P0.85 ang kada litro sa kerosene.

May magpapatupad ng oil price hike simula mamayang hatinggabi, pero karamihan sa mga kumpanya ng langis, bukas ng umaga pa ang dagdag-presyo.

Simula naman nitong May 16, nasa P1.50 na ang itinaas sa presyo kada litro ng gasolina at P1.35 naman sa kada litro ng diesel.

Petrolyong imported, iniimbak na

Mula ika-6 ng Mayo hanggang ika-2 ng Hulyo, o halos dalawang buwan ang maintenance shutdown ng Tabangao Refinery ng Pilipinas Shell sa Batangas.

Ito'y para masigurong gagana raw nang maayos ang mga equipment sa susunod na lima hanggang anim na taon.

Halos 100 bariles ng langis ang pinoproseso rito para gawing diesel, gaas, at gasolina na isinu-supply sa Luzon.

Sa taong 2022 o 2023 pa ulit ang major maintenance shutdown ng Tabangao Refinery.

Pero pangamba ng mga consumer na baka magkaroon ng epekto sa supply at presyo ng produktong petrolyo ang pansamantalang pagsasara ng planta.

Para masigurong may sapat na supply, nag-ipon na ng imported na petrolyo ang Shell sa mga tangke.

May kapasidad din daw na mag-imbak nang hanggang 4 million barrels ng imported na diesel at gasolina sa Tabangao kung sakaling kailangang habaan pa ang maintenance shutdown.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS_CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.