Produktong petrolyo, taas-presyo

ABS-CBN News

Posted at May 22 2017 05:48 PM | Updated as of May 23 2017 03:28 AM

Sa ikalawang sunod na linggo, tataas na naman ang presyo ng mga produktong petrolyo. 

Madaragdagan ng P0.65 ang presyo kada litro ng gasolina, P0.60 sa kada litro ng diesel, at P0.70 naman sa presyo kada litro ng kerosene.

Nagmahal daw kasi ang imported na petrolyo dahil sa ispekulasyon na itutuloy ng Organization of Petroleum Exporting Countries ang paglimita ng produksiyon ng langis. 

Pero barya lang ito kung ikukumpara raw sa itataas ng presyo sa petrolyo kapag naipasa ang bagong excise tax na bahagi ng comprehensive tax reform package sa Kamara. 

Banta ng oil price hike dahil sa batas? 

Kapag nagkataon, ang diesel, gaas, at liquefied petroleum gas (LPG) ay magmamahal diumano nang mahigit P3 kada litro sa unang taon, lagpas P2 sa ikalawang taon, at mahigit P1 sa ikatlong taon, o ang kabuuang P6.72 kada litro.

Ang gasolina, posibleng sumipa nang hanggang P3 kada litro sa unang taon, lagpas P2 sa ikalawang taon, at lagpas piso sa huling taon o kabuuang dagdag na P6.33.

Sakaling aprubahan, nakapako na ang excise tax at hindi magbabago kahit bumaba o lumobo man ang presyo ng produktong petrolyo.

Kaya ang ilang consumer groups, umaalma dahil sapul daw ang masa sa isinusulong na bagong excise tax rates. Kahit daw kasi maykaya ang maraming de-sasakyan, tatamaan pa rin ang mga ordinaryong motorista pati na ang delivery ng mga produkto patungong pamilihan.

Tila nabalewala rin ang pagbaba ng income tax dahil magmamahal naman ang presyo ng mga produktong gamit ng taumbayan. 

Pero dati nang nanindigan ang Finance Department na kailangan ng pantapal sa mawawalang buwis kapag inamyendahan at pinababa na ang kasalukuyang personal income tax ng mga manggagawa.

'Dagdag-bawas' sa buwis

Kahit sa Martes pa isasalang sa plenaryo ang panukala, nag-picket na kanina sa labas ng Kamara ang mga kontra sa tax reform package.

Himutok ng grupo, sa pangunguna ng Bayan Muna, bababa nga ang personal income tax pero tataas naman ang mga gastusin dahil sasabayan ng mga bago at dagdag na buwis ang pagbaba ng income tax.

Kasama na riyan ang Value Added Tax o VAT sa mga paupahang bahay ni nirerentahan ng P10,000 pababa kada buwan.

Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, mabigat para sa ordinaryong mamamayan ang mahigit P1,000 na posibleng madagdag daw sa buwanang upa. Umatras na rin si Zarate bilang isa sa may-akda ng panukala.

Sumulat din si ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio para sabihing tutol siya sa panukala at plano niyang makipagdebate sa plenaryo. 

Sumulat naman si Navotas Rep. Toby Tiangco para ipabura sa panukala ang excise taxes para sa diesel, LPG, at kerosene. Dapat lang umanong buwisan ang kerosene kung gagamitin sa eroplano.

Para kay Tiangco, mas mainam na habulin ng gobyerno ang oil smuggling para madagdagan ang kita nito.

Iwas sa petrolyong may halo 

Paliwanag naman ni House Ways and Means Committee Chairman Carlo Cua, kaya may tax ang kerosene ay para maiwasan ang pagbebenta ng mas murang petrolyo na may halo. 

Ang hihinging kondisyon naman daw ng mahigit 40 kongresista ng party-list coalition para matiyak ang suporta nila sa tax reform ay huwag alisin ang tax exemption ng mga kooperatiba. 

Bukas si Ways and Means Committee Senior Vice Chairman Joey Salceda sa panukala basta pumayag ang mga kooperatiba na masuri ng BIR ang mga libro nila. Hanggang kaninang tanghali na lang ang palugit sa mga nais maghabol ng amyenda para sa panukalang batas.

-- Ulat nina Alvin Elchico, RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.