Pagtataas ng minimum wage sa Cordillera, pinag-aaralan dahil sa inflation

ABS-CBN News

Posted at May 17 2018 11:54 AM

Magsasagawa ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ng public consultation sa Hunyo tungkol sa posibleng pagtataas ng minimum wage Cordillera bunsod ng patuloy na pagtaas sa presyo ng bilihin.

Kasalukuyang nasa P285-P300 ang minimum wage sa Baguio City at La Trinidad, habang ang mga taga-Tabuk City, Bangued, Bontoc, Lagawe, Banaue, Buguias, Bauko, Sagada, at Tublay ay nasa P270-P290 lamang.

Isa sa mga minimum wage earners sa naturang rehiyon ay si Marcita Lim, na pinagkakasya ang kinikitang P285 kada araw para sa 3 anak.

"Hindi lang naman pagkain ang kailangan, marami pang kailangan para sa mga bata," hinaing ni Lim.

Pero dahil sa pagtaas ng presyo ng iba't ibang bilihin at serbisyo gaya ng pamasahe sa taxi at gasolina na ngayo'y umaabot na sa higit P65 kada litro, tila hindi na raw sapat ang minimum wage.

Ayon sa Department of Labor and Employment sa Cordillera, inflation din ang pagbabasehan nila kung magkano ang itataas sa minimum wage kung sakaling matutuloy ito.

Binalaan naman ang mga employer na hindi susunod sa mapag-uusapang panibagong minimum wage.

"May penalty clause 'yung violator, may tinatawag tayo na double indemnity na dodoblehin 'yung hindi binayaran, may multa pa at imprisonment pa," ani Augusto Aquillo, board secretary ng RTWPB.

Noong Hunyo 2017 pa ang huling pagtaas ng minimum wage sa Cordillera.

Nakasaad sa Wage Rationalization Act na posibleng taasan ang minumum wage kada taon.

Kung maaprubahan, ipatutupad ang pagtaas sa minimum wage bago matapos ang taon.

--Ulat ni Teomar Bautista, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.