Dagdag-buwis sa petrolyo dulot ng TRAIN, maaari bang suspendihin?

ABS-CBN News

Posted at May 17 2018 09:37 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pinag-aaralan ngayon ng pamahalaan ang pagsuspende sa dagdag na fuel excise tax na naging epektibo nang maisabatas ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law sa pagpasok ng 2018.

May proteksiyon kasing nakapaloob sa TRAIN law na maaaring ipatigil ang buwis sa petrolyo kapag naging $80 ang 3-month average sa presyo ng krudo sa world market.

Ayon sa Bureau of Internal Revenue (BIR), inihahanda na ang implementing rules and regulation (IRR) para sa posibleng suspensiyon. 

"Also in the pipeline, a joint department order of DOE (Department of Energy) and DOF (Department of Finance) with reference to the suspension of excise tax on fuel," ani BIR Deputy Commissioner Marissa Cabreros. 

Sa ilalim ng TRAIN law, nakaambang tumaas muli ang buwis sa petrolyo sa 2019 at 2020.

Dagdag na fuel excise tax sa ilalim ng TRAIN law:

• 2019
Diesel: P2/litro
Gasoline: P2/litro

• 2020
Diesel: P1.50/litro
Gasoline: P1.00/litro

Pero ayon sa DOF, titingnan muna nila ang presyo ng krudo sa world market sa huling tatlong buwan ng 2018 bago desisyunan kung susupendihin na ang susunod na ipapataw na fuel excise tax sa ilalim ng TRAIN law.

Mga reklamo 

Marami na ang dumadaing sa sunod-sunod na oil price hike at kakarampot na rollback simula 2018.

Sa Baguio, pumapalo na sa P61-P65 kada litro ng gasolina, kung kaya't humihingi na ng taas-pasahe ang mga tsuper ng jeep.

Napansin naman ng isang malaking oil company na bumagal ang benta nila ng produktong petrolyo mula nang nagkabisa ang TRAIN law.

"It is actually the new players, the small players [who are] gaining more ground, simply because of prices. The big three, we are trying to hold on to our share, of what is an expanding market, except for quarter 1 of this year," ani Emmanuel Erana, chief finance officer ng Petron. 

Samantala, nagbabala naman ang National Economic and Development Authority (NEDA) sa mga nagtutulak na suspendihin ang TRAIN law kasunod ng pagsipa ng inflation rate. 

"Since it's already there, let's live with it. It's a short term pain for a long term gain," ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia. 

--Ulat ni Warren De Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.