May-ari ng minahan at katiwala, tinangay ng NPA sa Agusan

May Diez, ABS-CBN News

Posted at May 14 2017 09:53 PM

MANILA - Tinangay ng mga hinihinalang miyembro ng New People's Army (NPA) ang may-ari ng isang minahan at kanyang katiwala sa Rosario, Agusan del Sur, Sabado ng umaga. 

Nakilala ang mga biktima na sina Carso Cesar Lademora, may-ari ng minahan, at Leonardo Cacao, ang kanyang caretaker. 

Papasok na sina Lademora at Cacao sa minahan sa Barangay Bayugan nang harangin sila ng nasa 30 armadong lalaki. 

Matapos makuha ang hindi pa matukoy na kalibre ng baril, agad tumakas ang mga pinaniniwalaang NPA members, kasama sina Lademora at Cacao. 

Bandang ala-una Sabado ng hapon nang pakawalan si Cacao kapalit ng demand na karagdagan pang mga armas.

Samantala, hawak pa rin ng grupo si Lademora, Linggo ng hapon. 

Nagsagawa na ng hot pursuit operation ang awtoridad kasabay ng pagbuo ng municipal crisis management committee para mailigtas ang biktima.

Mariin namang kinondena ng pulisya ang pagdukot.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.