Magkano sa sahod mo ang napupunta sa buwis? Kalkulahin

ABS-CBN News

Posted at May 09 2017 02:29 PM | Updated as of May 09 2017 06:20 PM

Nakakabuwisit para sa ilan ang pag-usapan ang buwis.

Pumapangalawa ang Pilipinas sa mga bansa sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) pagdating sa pinakamataas na income tax rate na nasa 32% ng kita. Sinusundan ito ng Thailand at Vietnam sa 35%. Halos dalawang dekada nang ganito ang income tax rate sa Pilipinas kahit nagbago na ang presyo ng mga bilihin.

Pero kung sisilipin ang take-home pay kumpara sa napupunta sa buwis, malaki pa rin dapat ang naiuuwi sa sarili at sa pamilya.

Para sa mga kumikita, malaking bagay na malaman kung magkano at ilang oras ng kanilang pinagtrabahuhan ang napupunta sa buwis na siyang ginagamit ng gobyerno para sa mga sektor nito.

Pinakamalaking bahagi ng sektor na pinupuntahan ng buwis ang mga sektor ng General Public Services at Education habang pinakamaliit naman ang natatanggap ng mga sektor ng Environmental Protection at Recreation, Culture, and Sports.

Sa proyektong “The Pinoy Tax Calculator” ng Data Analytics Team ng ABS-CBN News, ipapakita ang oras at pera na inaambag ng taxpayer sa gobyerno.

Simple lang itong gamitin, i-type ang buwanang sahod, at awtomatikong kukuwentahin ng Pinoy Tax Calculator ang buwanan at taunang buwis, at ang katumbas na oras ng trabaho.

Ibinatay ang computation sa General Appropriations Act 2017 o ang budget ng gobyerno ngayong taon.

Para sa Bureau of Internal Revenue (BIR), mahalagang malaman ng publiko ang halaga ng ambag nila sa mga sektor ng gobyerno.

“Makikita 'yung na-contribute nila sa kabuuan ng mga sektor ng gobyerno. At the end of the day kasi nasasabi nilang ito na lang natira sa aking suweldo. Pero gamit ang calculator, masasabi rin nilang parte ako sa development and infrastructure na ginagawa ng gobyerno” paliwanag ni BIR Undersecretary Marissa Cabreros.

Ayon naman sa isang analyst na si Edson Guido, makikita na rin kung ano ang pananagutan ng mga opisyal ng bansa sa mga taxpayer sa pamamagitan ng tax calculator.

“Bilang mga Pilipino sinasabi natin na isa tayo sa may mataas na buwis sa rehiyon. Mare-realize ngayon ng mga Pilipino kung magkano ba talaga ang ambag ko. In terms of transparency, it will lead to the core accountability sa hanay ng gobyerno,” sabi ni Guido.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.