SSS, target ang mga kumpanyang di nagbabayad ng contribution

Alvin Elchico, ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2017 07:26 PM | Updated as of Apr 21 2017 12:00 AM

MANILA - Sinugod ng mga opisyal ng Social Security System ang ilang tindahan sa Greenhills Shopping Center sa paglulunsad nito ng kampanyang "Run After Contribution Evaders" o RACE.

Sina SSS Chair Amado Valdez at SSS President Emmanuel Dooc ang nanguna pagsuyod sa mga shop sa Greenhills.

Pinasok ng mga taga SSS ang isang shop na umano'y nadiskubre nila na hindi nagpapamiyembro ng mga tauhan nito sa SSS.

Nagpaskil ng show cause order ang SSS sa isang shop na nagsasabing binibigyan ng 15 araw ang tindahan para ipaliwanag kung bakit di sila dapat kasuhan ng paglabag sa SSS Law.

Isang tauhan naman mula sa isang shop din ang lumapit kay SSS chairman Valdez at nagreklamong di sya pinamiyembro dito ng amo.

Kinuha ng taga SSS ang detalye pero nag-alangan ang tauhan na pangalanan ang shop nila dahil sa takot na matanggal sya.

Ayon sa SSS, responsibilidad ng negosyante na irehistro at ipamiyembro sa pension fund ang mga kanilang tauhan.