Presyo ng manok, tumaas ng P10-P20/kilo sa ilang pamilihan

ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2018 08:52 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Tumaas ang presyo ng manok ng P10 hanggang P20 kada kilo sa ilang pamilihan nitong Martes, bunsod umano ng kakulangan sa suplay dahil sa mainit na panahon.

Sa Commonwealth Market sa Quezon City, pinakamalaki ang itinaas ng presyo ng paa, na mula P70 kada kilo ay naging P100 kada kilo.

Pumalo naman ang kada kilo ng pakpak sa P150 mula P140, habang ang pecho'y nasa P130 kada kilo na mula P110.

Tumaas din ng P10 kada kilo ang presyo ng manok sa Masinag Market sa Antipolo.

Ayon sa mga mamimili, babawasan na lang nila ang bibilhing manok dahil hindi naman maiwasang hindi kumain nito.

"Ang laki din ng binawas [ko sa] binili ko eh. Dati isa't kalahati, ngayon three-fourth na lang kasi 'di na kakayanin," anang mamimiling si Raquel Birial.

Ayon sa ilang nagtitinda, isang dahilan ng pagtaas ng presyo ay ang pagkakasakit o pagkamatay ng mga manok bunsod ng init ng panahon.

Kuwento ng tinderang si Gema Acopiado, nahihirapan siyang makabenta dahil sa pagmahal.

"Kasi 'pag bumibili sila ng ganoon ang presyo ng manok, umaayaw sila. Nagtitipid din, umaatras muna sila," aniya.

Sa datos ng United Broilers Raisers Association of the Philippines, tumaas din ang presyo ng farm gate o iyong mga manok sa mga poultry farm sa mga lalawigan.

Paliwanag naman ni Simeon Amurao, assistant director sa Bureau of Animal Industry, naapektuhan talaga ng mainit na panahon ang produksiyon ng manok.

"Ang mga manok na na-expose sa sobrang init, hihina ang pagkain niyan. So sa halip na lumaki 'yan ng 1.5 kilos, maaaring lumaki lang 'yan ng 1.2 (kilos). So 'pag pinagsama-sama mo 'yon, malaking kawalan 'yon," ani Amurao.

BIGAS

Samantala, patuloy naman ang pagdating sa Metro Manila ng bigas mula sa rice millers ng Nueva Ecija, na magsisilbing alternatibo sa nagkukulang na NFA rice.

Nangako rin ang mga grupo ng rice millers sa Isabela at Bulacan na magbabagsak ng tig-100,000 sako ng bigas kada buwan sa Metro Manila. 

Binabantayan din ng NFA ang kalidad ng mga bigas para matiyak na hindi maloloko ang mga mamimili.

Maglalagay rin ang NFA ng mga tarpaulin sa labas ng mga palengke para malaman ng mga mamimili kung saan bibili ng bigas na pansamantalang pamalit sa NFA rice, na ibinebenta sa P39 kada kilo.

-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.