'EO sa kontraktuwalisasyon, naudlot dahil sa takutan'

ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2018 06:32 PM

Nagbabala umano ang Department of Trade and Industry (DTI) at grupo ng mga employer na magreresulta ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin ang executive order (EO) na magbabawal sa kontraktuwalisasyon ng mga manggagawa. 

Ito ang dahilan ng pagkaudlot ng pagpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte sa naturang EO, ayon kay Alan Tanjusay, spokesperson ng 
Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) sa panayam ng ABS-CBN News. 

"Nanakot sila na kapag ito ay pinirmihan ni Duterte, magtataas ang mga presyo ng bilihin. Ipa-pass on daw 'yung labor cost sa commodity and services," ani Tanjusay. 

Sinubukan ng ABS-CBN News na hingin ang panig ng DTI sa pamamagitan ng opisina ni Sec. Ramon Lopez ngunit wala silang naging tugon.

Sinubukan din ng ABS-CBN News na humingi ng panig sa isang grupo ng mga employer sa bansa, pero wala pa silang tugon sa isyu. 

"Ang nangyari nu'ng Friday, nagkaroon kami ng meeting with Labor Secretary [Silvestre] Bello tapos in-improve namin 'yung draft EO, so na-finalize 'yung EO after the meeting," ani Tanjusay.

Sa parehong araw, isinumite umano nina Bello at Labor Undersecretary Joel Manglunsod sa Office of the Executive Secretary ang draft.

Ani Tanjusay, ang draft EO na napiling ipasa ng Department of Labor and Employment (DOLE) ay ang kanilang binalangkas kasama ang dalawa pang labor group na Kilusang Mayo Uno at Nagkaisa. 

Pero nang malaman ito ng DTI at grupo ng mga employers, nagbanta raw ang mga ito ng taas-presyo oras na maisapatupad ang EO.

Ang naganap na pagtatalo ay kinumpirma daw ng mga taong nasa mismong pulong, dagdag ng labor leader. 

"We learned what happened on the account of the persons who were present in that meeting."

"Some people in DOLE and MalacaƱang are pro-business. We believe employers and business groups have agents in these government bodies out to sabotage labor-drafted EO to the President," dagdag nito. 

Pinakatinututulan daw ng mga employer ang probisyon sa Section 2 ng kanilang EO na sinasabing "direct hiring" na ang magiging "general norm" ngunit may kapangyarihan pa rin naman ang DOLE na magbigay ng exceptions. 

"Ayaw nila ng word na direct hiring," ani Tanjusay. 

Nang hingin ang panig ni Bello ukol sa umano'y meeting, isang matipid na reaksiyon ang ibinigay nito.

"Fake news," ani Bello sa isang text message. 

Pero pinaninindigan ni Tanjusay ang nasabing naganap na pulong.

"Of course he'll deny it," giit ni Tanjusay.

Pinasinungalinagn din ni Tanjusay ang sinabing wala sa iskedyul ang pirmahan dahil Miyerkoles pa lamang ay hiningan na sila ng Palasyo ng mga pangalan ng dadalo sa event.

"Wednesday pa nagpadala na ng invitation ang MalacaƱang and asked us to submit the names [of the attendees] kasi siyempre may protocol 'yan," ani Tanjusay.

Tingin ng mga labor group, paiikutin na lamang daw sila ng Palasyo lalo't sinabi nitong balak nilang i-certify bilang "urgent" ang Security of Tenure Bill na nakabinbin ngayon sa Kongreso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.