P67 M halaga ng nasabat na bigas, ibebenta bilang NFA rice

ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2018 10:13 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Hindi ipamimigay sa mahihirap ang nasabat na tinatayang P67 milyong halaga ng hinihinalang smuggled na bigas mula sa Vietnam, ayon sa MalacaƱang. 

Sa halip ay ibebenta raw ito bilang NFA rice dahil kaunti na ang supply ng naturang murang bigas ng National Food Authority.

"Ang sinabi sa'kin ng Department of Agriculture ay puwede po 'yang ibenta as NFA rice, 'yong cheap rice para ma-increase 'yong stockpile ng NFA," ani presidential spokesperson Atty. Harry Roque.

Tinatayang 27,000 sako ng bigas ang nasamsam ng Philippine Navy mula sa isang dayuhang sasakyang pandagat sa bahagi ng Olutanga Island sa Zamboanga Sibugay nitong Sabado, Abril 14.

Nakita pa ng Philippine Navy na may dinidiskargang kargamento sa dalawang maliliit na bangka ang sasakyang pandagat.

Nang mapuntahan na ang naturang sasakyang pandagat, tumambad sa mga awtoridad ang ipinuslit na bigas gayundin ang 15 tripulanteng Tsino at Bangladeshi, at 51 Pinoy na kargador.

“Based on the initial investigation, more or less 27,180 sacks of Vietnam rice in 1,359 metric tons with an estimated market value of P67,950,000 were on board,” ani Rear Admiral Rene Medina, Naval Forces Western Mindanao commander.

Muling sinuri ang barko nitong Lunes para alamin kung mayroon pa itong ibang kontrabando bukod sa mga smuggled na bigas.

-- Ulat ni RJ Rosalado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.