P38-P39/kilong commercial rice, darating sa ilang pamilihan sa NCR

ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2018 05:49 PM

Inaasahang darating sa ilang pamilihan sa Kamaynilaan ang commercial rice na nagkakahalaga ng P38-39 kada kilo, sa Lunes, Abril 16.

Ayon kay Jojo Victor del Rosario ng Nueva Ecija Rice Millers' Association, pagtupad ito sa kanilang pangako kay Pangulong Rodrigo Duterte na mangunguna ang mga taga-Nueva Ecija, bilang rice granary ng bansa, sa pagbebenta ng murang commercial rice habang kapos pa ang supply ng National Food Authority (NFA) rice sa mga pamilihan.

Pinakamababa ang 10,000 sako ng commercial rice ang ihahatid sa ilang palengke ng Metro Manila sa madaling araw ng Lunes.

Dadalhin ito ng tinatayang 10 rice dealers sa Nueva Ecija sa tulong ng NFA.

Sa Mayo pa inaasahang darating sa bansa ang 250,000 metriko toneladang bigas na inangkat ng NFA para sa buffer stock ng bigas sa Pilipinas.

Buffer stock ang tawag sa nakaimbak na mga sako ng bigas ng NFA para matiyak na 'di kukulangin ang supply ng bigas sa bansa.

Bukod sa supply, tinitiyak din ng buffer stock na 'di basta-basta sisipa ang presyo ng bigas dahil sa kakulangan nito.

Mandato ng NFA na magkaroon ng buffer stock na puwedeng tumagal ng 15 araw, habang dapat pang-30 araw naman ang buffer stock kung lean season o panahong wala masyadong naaning palay.

Nauna nang sinabi ng grupong Grain Retailers' Confederation of the Philippines (GRECON) na wala nang ibinebentang NFA rice sa mga merkado sa National Capital Region (NCR) at apat pang rehiyon sa bansa. 

Hindi umano nagkakasundo ang NFA management at ang NFA council kaya tuluyang naubos ang buffer stock ng bigas, ayon sa GRECON.

Una nang inamin noon ng NFA na paubos na ang suplay ng murang bigas at sinisi nito ang konseho sa hindi pag-apruba sa hiling na makapag-angkat mula sa ibang bansa.

Pero depensa ni Cabinet Secretary Leoncio "Jun" Evasco, chairman din ng NFA council, hindi sila nagkakasundo ng NFA management dahil pinipilit umano ng ahensiya ang pag-aangkat na 'di hamak na mas magastos at malapit sa korupsiyon.

Tiniyak naman noon ng Palasyo na higit pa sa sapat ang supply sa bansa ng bigas na di NFA rice.

Noong nakaraang taon, sinipa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang opisyal dahil sa pagkontra niya umano sa desisyon ng NFA na ipagpaliban muna ang pag-aangkat ng bigas habang panahon ng ani.

-- May ulat ni Rod Izon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.