Ilang Pinoy website, naka-block sa Facebook; mamamahayag tinawag itong 'sensura'

ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2018 07:40 PM

Naka-block na sa Facebook ang ilang Pinoy website na umano'y nagkakalat ng maling impormasyon.

Ayon sa Facebook, itinuturing nila ang mga naturang website na "spam" at lumalabag sa panuntunan ng social media company.

Hindi mai-share ang links ng mga na-block na website sa news feed at maging sa Messenger ng Facebook.

Maging ang Facebook pages ay hindi maaaring mag-share ng link ng mga naka-block na website.

Nito lang nakaraang linggo nang makipagtambalan ang Facebook sa news outlets na Rappler at Vera Files para sa pagsasala ng impormasyong lumalabas sa social media sa Pilipinas.

Inamin ng Facebook noong Abril 4 na 1.2 milyong Pinoy ang kabilang sa 87 milyong FB users ang nakuhanan ng datos na "improperly shared" o naibahagi sa maling paraan sa Cambridge Analytica. 

Nag-umpisa ang kontrobersiya tungkol sa Cambridge Analytica sa simpleng personality test na kumalat sa Facebook.

Gawa ito ni Cambridge University researcher Aleksandr Kogan.

Ang hindi alam ng mga sumagot sa test, binigyan na pala nila ng permiso ang third party app ng Facebook na malikom ang kanilang private data gaya ng likes, interes, lokasyon, political affiliation, relationships, photos at iba pa.

Halos 300,000 sa sumagot sa quiz ang nakuhanan ng data, bukod pa sa kanilang FB friends na nasikwatan din ng personal na datos.

Ayon naman sa whistleblower na si Christopher Wylie na dating taga-Cambridge Analytica, ginamit nila ang data para maimpluwensiyahan ang boto para kay Donald Trump sa U.S. elections, at maging ang Brexit vote sa United Kingdom.

Pinabulaanan ito ng Cambridge Analytica.

Gayunman, ikinaalarma ito ng mga gobyerno sa UK at U.S. 

Humarap sa U.S. Senate hearing ang Facebook CEO at founder na si Mark Zuckerberg noong Abril 11.

Humingi na rin ng paumanhin si Zuckerberg sa nangyari. 

 

Aniya, responsibilidad ng Facebook na pangalagaan ang nalilikom na datos mula sa users nito kaya't gumagawa na sila ng mga hakbang para tiyaking hindi na muling mangyayari ang kontrobersiya sa Cambridge Analytica.

'CENSORSHIP'

Tinawag namang "censorship" o sensura ng isang tech journalist ang ginawang pag-block ng Facebook sa tinagurian nitong "fake news."

Sa panayam sa DZMM nitong Linggo, sinabi ni Manila Bulletin technology editor Art Samaniego na 'di siya sang-ayon sa pag-partner ng Facebook sa Rappler at Vera Files para supilin ang pagkalat ng fake news sa naturang social media platform.

"Hindi censorship ang solution para sa akin. Para sa akin ang solusyon diyan ay education," ani Samaniego. "Para sa akin kasi dapat ikaw mismo ang mimimili kung ano ang para sa 'yo, ano 'yung gusto mong makita, ano 'yung gusto mong marinig."

Dagdag ni Samaniego, marami na namang netizens ang nakababatid na kailangang beripikahin muna ang anumang inilalathala online sa pamamagitan ng pagsusuri nito sa iba pang kilalang organisasyon ng pagbabalita.

"Kasi tingnan mo, sino pinapaniwalaan ng mga nasa social media ngayon? Si Mocha [Uson] daming followers, ang dami din namang mga mali nyang pino-post. So it's time for us na nasa mainstream media na ipakita sa kanila na hindi 'yan ang tama, ito 'yung tama."

Pinayuhan din ni Samaniego ang mga tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte na nais iwanan ang Facebook para magsimula ng account sa VK, isang social media platform na nakabase sa Russia.

Aniya, dapat suriing mabuti ng netizen ang ibibigay nitong permiso sa VK dahil gaya ng Facebook ay puwede nitong kunin ang telephone number, mga mensahe, at friends list ng gagawa ng account.

"Usually ang ginagawa ng tao, niye-yes lang niya 'yan. Ito ang nangyari sa Cambridge Analytica," ani Samaniego.

Nauna nang sinabi ng isang tagapagtaguyod ng data privacy at cyber-law expert, panahon na para bigyan ng mga Pinoy ng pagpapahalaga ang mga personal na impormasyong ibinabahagi nila sa social media.

Ayon kay Atty. Jose Jesus Disini, lubhang nakababahala ang kakayahan ng Facebook pagdating sa paghawak at pangangasiwa sa ating mga pribadong datos.

"'Pag ang isang service ay libre, ikaw ang produkto. So 'yon ang totoo sa Facebook," sabi ni Disini.

Ayon kay Disini, mistulang "tayo ang nagtatrabaho sa Facebook."

"Kasi binibigay mo 'yong datos mo, whether attention mo lang. 'Yong mga nili-like mo, tintitingnan mo, clicks mo, shine-share mo... 'yan ang ginagamit [ng Facebook] para makakuha sila ng insights tungkol sa 'yo," paliwanag ni Disini.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.