Jollibee, payag nang iregular ang nasa 7,000 empleyado: CEO

ABS-CBN News

Posted at Apr 13 2018 08:51 PM

Mismong ang chief executive officer (CEO) ng Jollibee Foods Corp. na si Ernesto Tanmantiong ang nagkompirma sa ABS-CBN News na ganap na nilang ipatutupad ang kautusan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na layong gawing regular ang kanilang nasa 7,000 empleyado.

Ani Tanmantiong, suportado ng kompanya ang laban ng gobyerno sa kalakaran ng "contractualization" at "endo" o end of contract. 

"[We] have instructed our service providers to regularize all our employees with the security of tenure and benefits . . . So we support President [Rodrigo] Duterte in ending contractualization," aniya. 

Sa kautusan ng DOLE, sinabi nitong dapat gawing regular na empleyado ng Jollibee ang kanilang 6,482 trabahador mula sa 2 contractors at maging ang 704 empleyado ng Burger King sa 3 contractors.

Ang Jollibee Foods Corp. ang may hawak ng franchise ng Burger King sa Pilipinas. 

Naganap ang panayam kay Tanmantiong sa Milan, Italy kung saan nagbukas ang kauna-unahang branch ng Jollibee sa Europa.

Ani Tanmantiong, hindi niya inasahan ang dagsa ng tao sa kanilang pagbubukas

"For us to have served over 3,000 customers on opening day here in Milan is also beyond my expectations," aniya. 

Ibinida rin ni Tanmantiong ang partnership ng Jollibee sa isang Italian non-profit organization na Opera Cardinal Ferrari sa pagsasagawa ng quarterly feeding at iba pang outreach activities sa Milan.

Inaasahaang magkakaroon pa ng ibang branches ang Jollibee sa Milan na magbibigay umano ng job opportunities sa mga Pilipino.

— Ulat ni Mye Mulingtapang, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.