Piso, patuloy ang pamamayagpag kontra dolyar

ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2017 02:00 PM

Patuloy na namayagpag ang piso kontra sa dolyar nitong Martes, kasabay ng pagdagsa ng puhunan mula sa ibang bansa, ayon sa mga analyst.

Lumakas ang piso sa pangalawang magkasunod na araw. Umabot ito sa P49.62, na siyang pinakamalakas simula noong Pebrero 7, ayon sa datos ng Bloomberg.

Nakatulong din sa paglakas ng piso ang paghabol ng remittance ng mga OFW, bago magsara ang mga bangko sa Huwebes para sa Semana Santa, sabi ng mga analyst.

“The hot money right now is dictating the move of the peso,” ani Migs Lopez, analyst sa AB Capital Investments, sa panayam ng ANC.

Mahigit isang linggo nang mas maraming dayuhang negosyante ang bumibili ng stocks, kumpara sa mga nagbebenta. Lumalakas ang piso sa ganitong sitwasyon na may “net foreign buying.”

Kapag may “net foreign selling” naman, o kapag mas madaming dayuhang nagbebenta ng stocks kontra sa bumibili, humihina ang piso kasabay ng pagtaas ng demand para sa dolyar.

Patunay ang paglakas ng piso na kumpiyansa ang mga mamumuhunan sa bansa, ayon sa tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Ernesto Abella.

Sa kabila ng paglakas ng piso ngayong linggo, inaasahang babalik ito sa P50 antas dahil sa nakaambang pagtaas ng interest rates o halaga ng pautang sa Amerika.

Kapag nagtaas kasi ng policy rates ang Federal Reserve, inaasahang aalis sa Pilipinas ang ilang dayuhang mamumuhunan at babalik sa Amerika kung saan mas mataas ang interes.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.