Clearance ng minahan sa Brooke’s Point, maaaring kanselahin

Hazel Salas, ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2017 11:38 PM

BROOKE’S POINT – Bagama’t epektibo pa umano ang strategic environmental protection (SEP) clearance at may pinanghahawakang mineral production sharing agreement (MPSA) ang Ipilan Nickel Corp. ay ipinagdiinan ni Mayor Jean Feliciano na wala pa rin itong karapatang magmina sa bayan ng Brooke's Point sa Palawan.

Paso na umano ang environmental compliance certificate (ECC) nito galing sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), at wala na itong mayor’s permit.

Panahon pa ng nakaraang administrasyon nang aprubahan ang SEP clearance ng minahan, pero hiniling ng munisipyo na mapawalang-bisa ito dahil hindi dapat mapayagan ang pagmimina sa munisipyo.

Pero nilinaw ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD), bagama’t may hinihintay na mga dokumento ang lokal na pamahalaan ng Brooke’s Point hinggil sa pagkansela ang SEP clearance ay dadaan pa rin ito sa adjudication board para mapagdesisyunan.

"Hindi naman siya kinansela agad-agad, or wala namang case but now, kasi nga mayroong pending request sila mayor for cancellation. So until such time na makapaglabas ng decision ang PCSD adjudication board, whatever the decision is, iyong clearance nila is okay pa rin," ani Jovic Fabello, tagapagsalita ng PCSD.

Ayaw namang magsalita ng PCSD patungkol sa proseso nang pagde-desisyon, kung dapat nga bang kanselahin o hindi ang SEP clearance ng mining company.

Nakarating na rin umano sa Mines and Geosciences Bureau ang nangyaring pagsugod ng mga nagpoprotesta sa minahan, at pinaiimbestigahan na ang kumpanya.

Ipinaglalaban naman ng alkalde at mga residente sa Brooke’s Point na walang puwang ang minahan sa kanilang bayan, dahil sinisira lamang nito ang magandang kalikasan doon.

Pangamba rin kasi nilang masira ng minahan ang watershed na pinagmumulan ng malinis na tubig, at irigasyon ng mga magsasaka at ang posibleng pag-abuso sa Mt. Mantalingahan protected landscape.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.