Singil ng Maynilad at Manila Water, bababa simula Abril 1

ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2018 02:14 PM | Updated as of Mar 13 2018 09:13 PM

(UPDATED) Magkakaroon ng bawas sa singil ng tubig ang Maynilad at Manila Water simula sa Linggo bunsod ng galaw sa palitan ng piso kontra dolyar, ayon sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).

Nasa P0.04 ang bawas ng Manila Water sa kada cubic meter ng tubig habang P0.01 naman sa kada cubic meter ng Maynilad.

"At least nagkaroon ng rollback kasi since I started as chief regulator ito yata ang first time na nagkaroon ng rollback ng presyo ng tubig," ani MWSS Chief Regulator Patrick Ty.

Para sa mga kabahayang kumokonsumo ng 10 cubic meter o mas mababa, katumbas ang bawas-singil ng P0.06 sa Maynilad at P0.20 sa Manila Water.

Kapag 20 cubic meter, P0.23 naman sa Maynilad at P0.45 sa Manila Water.

Nasa P0.46 naman ang halaga nito sa Maynilad at P0.91 sa Manila Water kapag 30 cubic meter.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pero dapat pa rin umanong maghanda ang mga konsumer sa kalagitnaan ng taon dahil pinag-aaralan na ng MWSS ang hirit na dagdag-singil ng Maynilad at Manila Water kaugnay sa rate rebasing period na sakop ang 2018 hanggang 2022.

Sa taya ng MWSS, papalo ng 33.3 porsiyentong dagdag-singil ang gustong ipasa ng mga water concessionaire sa mga konsumer.

Sa basic rate ng Maynilad na P35.48, P12.69 kada cubic meter ang hirit na dagdag.

Gusto naman ng Manila Water na dagdagan ng P8.42 kada cubic meter ang basic charge nilang P25.50.

"Hindi naman natin ibibigay lahat 'yon, siyempre we have to protect the public's interest and we have to make sure that only those prudent and efficient expenses should be passed on," sabi ni Ty.

Sasalang sa public hearing ang hirit na dagdag-singil bago ito desisyonan ng MWSS sa buwan ng Hulyo o Agosto.

-- May ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.