4 sa 5 kompanya, 'di bukas' sa pag-hire ng K-12 graduates: survey

ABS-CBN News

Posted at Mar 09 2018 09:08 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Hindi pa handa ang maraming kompanya para bigyan ng trabaho ang mga senior high school graduate, ayon sa ilang industry experts. 
    
Isa itong malaking dagok lalo na't higit 1 milyong senior high school students ang magtatapos ngayong Abril, na kabilang sa unang batch sa ilalim ng K-12 program ng Department of Education (DepEd).

Ginawang bentahe ng DepEd noon ang umano'y "employability" ng mga magiging K-12 graduate. 

    
Pero kung ang industry experts mula sa mga grupo ng pribadong kompanya ang tatanungin, hindi pa bukas ang marami sa kanila na tumanggap ng mga K-12 graduates. 

Ayon pa sa survey na isinagawa ng Philippine Business for Education (PBEd), isa sa bawat limang kompanya lang ang payag sa pagbibigay ng trabaho sa mga senior high school graduate.

"They have not changed their HR policies. Nakalagay pa diyan minimum requirement ay college [or] university diploma," ayon kay Lovelaine Basillote ng PBEd.

Pero ayon sa Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), may pag-asa pa namang matatanggap din sa mga pangunahing industriya ang mga senior high school graduate basta't magsikap lang silang maging bihasa sa mga tinaguriang "21st century skills."

Kabilang umano dito ang "critical thinking" at "innovation," ayon kay Marlon Mina ng PCCI. 

Nakikipagtulugnan na ang DepEd sa iba't ibang industriya para magbukas ng maraming oportunidad para sa mga K-12 graduates. 

"We're pushing for government-industry partnerships... at exposure to the world of work," ani DepEd Assistant Secretary Nepo Malaluan. 

--Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.