Mga may trabaho, dumami; underemployed, dumami rin

ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2018 09:52 PM

Umakyat ang bilang ng mga Pilipinong may trabaho noong Enero kumpara sa parehong buwan noong nakaraang taon. 

Sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA), 94.7 posiyento o halos 42 milyong Pilipino ang employed, full-time man o part-time, pagpasok ng 2018, mula sa 93.4 posiyento noong Enero 2017.

Pasok ito sa target ng administrasyon na pababain ang unemployment rate sa bansa ng 4.7 hanggang 5.3 porsiyento ngayong taon.

Pero umakyat din sa 18 porsiyento ang bilang ng mga Pilipinong underemployed o 'yung kahit may trabaho ay hindi pa rin sapat ang kita, kaya naghahanap ng ibang pagkakakitaan, mula sa 16.4 porsiyento noong nakaraang taon.

Isa na rito si Edwin Gozun, na bukod sa pagtatrabaho bilang tanod sa barangay dalawang araw sa isang linggo ay namamasada rin ng tricycle sa ibang araw.    

Ang kita niyang P13,000 kada buwan, pinagkakasya sa tatlong nag-aral na anak at isang sanggol. 

Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), mahalagang ipagpatuloy ng pamahalaan ang paghikayat sa mga mamumuhunan na magdadala ng karagdagan at mas de-kalidad na mga trabaho.

"[T]he government must continue to raise investments and improve productivity, which in turn, will help boost the productive sectors of the economy and encourage the generation of higher quality employment opportunities,” ani Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia. 

Kabilang dito ang pagpasa ng ikalawang tax reform package na layong ibaba ang corporate income taxes, at ang pagbabawas sa foreign investment restrictions upang maging kaaya-aya sa mga investor. 

Kumpiyansa naman ang NEDA na mas maraming trabaho ang papasok ngayong taon dahil sa malalaking infrastructure projects ng administrasyon.

“More jobs are expected to be created during the country’s infrastructure buildup which will not only ease traffic and promote regional development but also generate more quality jobs,” ani Pernia. 
    
--Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.