'Naglalahong' phone load, isinusulong na awtomatikong ibalik sa konsumer

ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2018 09:02 PM

Magiging isang taon na rin ang bisa ng prepaid load na mas mababa sa P300

Watch more in iWantv or TFC.tv

Hindi pa rin lubos na nareresolba ng telecommunication companies o mga telco ang matagal nang reklamo sa nawawalang load.

Isinusulong ngayon ng ilang senador na bukod sa pagsauli ng nawalang load sa loob ng isang araw, dapat awtomatiko ring abisuhan ng mga telco ang konsumer sa kada nababawas na load dahil man sa pag-text, pagtawag, o paggamit promo.

"Kapag ni-notify po kayo na mayroon diyan na di kayo nag-opt in, you should have a grace period to be able to complain at mabalik po ang pera niyo," ani Sen. Bam Aquino, chairman ng House committee on science and technology.

Nangako naman ang mga telco na pag-aaralan nila itong mabuti.

Pumutok ang isyu ng mga nawawalang load sa prepaid mobile SIM cards noong 2009 matapos ireklamo ni dating Senate President Juan Ponce Enrile.

May mga reklamo rin na nawawala ang load ng ilang subscriber kapag may pumapasok na ringtone at iba pang value-added service sa kanilang prepaid na numero.

Nangako noon ang mga telco na lilinisin nila ang sistema.

Pero makalipas ang siyam na taon, tuloy pa rin ang reklamo ng ibang subscribers ukol sa kanilang load na umano'y biglang naglalaho.

Ayon naman sa mga telco na Globe at Smart, patuloy ang pagresolba nila sa mga ganitong reklamo.

Tinututukan din ng Globe ang galaw ng nasa 200 value-added system provider na nag-aalok ng promos, games, ringtones at iba pa.

Puwede ring idulog ang reklamo sa mga telco:

GLOBE: 211
SMART: *888

Puwede ring dumulog sa hotlines ng National Telecommunications Commission (NTC) at Department of Trade and Industry (DTI) ang mga subscriber na mawawalan ng load sa cellphone:

NTC 926 7722; 436 7722
DTI 751 3330; 0917 834 3300
 

Pasok din daw sa kasong kriminal ang reklamo laban sa telco ukol sa nawawalang load.

BISA NG LOAD

Simula naman sa Hulyo, magiging one year na ang validity ng prepaid load na mas mababa sa P300 ang halaga.

Nito lang Enero nang ipatupad ng Globe at Smart ang bisang isang taon para sa prepaid load na halagang P300 pataas.

Kapwa humingi ng anim na buwang extension ang dalawang telco bago maipatupad sa mas mababang halaga ng prepaid load ang pinahabang validity.

Ito ay para maisaayos muna nila ang kinakailangang sistemang teknikal para sa pagbabago ng validity period.

-- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.