Factory worker, may kompanya na dahil sa bagoong

ABS-CBN News

Posted at Mar 02 2018 08:26 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sa pagtatrabaho sa isang pabrika ng bagoong nabuo ni Teresita Valdez ang pangarap na magmay-ari ng sariling negosyong may kinalaman din sa nasabing pampalasa.

"Noon pa mang humahawak na ako ng bagoong, iniisip ko na na magkaroon ng sarili... mina-master ko na nga [dati] eh," sabi ni Valdez sa panayam ng ABS-CBN News. 

Dahil sa sipag at tiyaga, katuwang ang kaniyang mister na si Manny, nasalin sa realidad ang dating inaasam-asam lang ni Valdez. Siya na ngayon ang may-ari ng Viaña Food Condiments.

Tubong Navotas -- ang binansagang Fishing Capital of the Philippines -- si Valdez kaya sanay umano siya sa usaping isda.

Sa murang edad pa lang ay namulat na si Valdez sa hirap ng buhay.

"Ang father ko, isang mangingisda, ang nanay ko, siya iyong nagtitinda ng nahuhuli ng tatay ko," kuwento ni Valdez.

Huminto ng pag-aaral si Valdez nang makatapos ng elementarya sa edad na 13 anyos dahil sa pagnanais na makatulong sa kaniyang mga magulang.

"Kahit pinipilit nila kami pag-aralin, tutal babae naman ako, madadala naman ako ng asawa ko... hangga't bata ako gusto ko makatulong sa magulang ko," aniya.

Noong una'y tagahugas ng alamang na ginagawang bagoong si Valdez pero agad din siyang ginawang assistant sa kusina nang mapansin ang kasipagan.

"Nakita naman nila na 'di ako pala-absent tapos naka-focus ako doon sa trabaho, maayos iyong trabaho ko."

Habang inaaral ang paggawa ng bagoong, sa pabrika rin nakilala ni Valdez ang lalaking kaniyang magiging kabiyak.

Masaya ang naging pagsasama ng mag-asawa pero hindi sila mapalad sa pagbuo ng pamilya. 

Sa katunayan ay tatlong beses nakunan si Valdez kaya nagpasiya na lang silang mag-ampon ng dalawang anak.

Ang pagbuo ng pamilya ang nagtulak sa mag-asawa na simulan ang negosyong bagoong sa halagang P10,000.

Milya-milya umano ang nilalakad ng mag-asawa, maibenta lang ang mga produkto.

"Minsan nadadaan kami sa mga restoran na naamoy mo iyong mga niluto, langhap na lang sabay lunok," ani Valdez.

Lumipat ang mag-asawa sa San Jose Del Monte, Bulacan at dito pumatok ang kanilang pampalasang may sari-sari nang variant.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.