Interes sa pautang sa pabahay, ibinaba ng Pag-IBIG

ABS-CBN News

Posted at Mar 01 2018 08:17 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ibinaba ng Pag-IBIG Fund ang interes sa pautang sa pabahay para lalo pa anilang mahikayat ang mga Pilipino na kumuha ng sariling bahay sa pamamagitan ng pautang ng ahensiya.

Mula sa dating 6.5 porsiyento na fixed interest rate para sa tatlong taon na regular housing loan, ibinaba pa ito sa 6.375 porsiyento.

Kung halimbawa ang miyembro ay umutang noong 2015, nasa 6.5 porsiyento pa ang interes na babayaran at nakatali sa loob ng tatlong taon, pagsapit ngayong 2018, bababa na rin ito sa 6.375 porsiyento.

Para naman sa mga uutang na kayang maglabas ng equity o humati sa housing loan ng 25 porsiyento pataas, ibinaba rin ang interes sa pautang para sa kanila--mula 5.5 porsiyento, 5.375 porsiyento na ito para sa fixed period na isang taon.

Pero maaaring magbago ang interes sa susunod na taon, depende sa desisyon ng board o pamunuan ng Pag-IBIG.

Maaaring lalo pang sumadsad ang interes, pero puwede ring tumaas.

Kaya ang ibang miyembro, mas pinipili ang three-year fixed interest rate sa pangambang baka biglang lumobo bigla ang one-year fixed interest rate sa kasunod na taon.

Pati ang “fire and allied perils insurance” o ang bayad sa insurance sa sunog at iba pang sakuna sa housing loan na P1 milyon pataas, ibinaba ng pag-IBIG--mula P4,000 naging P1,600 kada taon na lang ito.

Kung susumahin, nasa 5 porsiyento ang nabawas sa bayarin ng mga nag-a-avail ng socialized housing loan o pabahay na hindi lalagpas ng P450,000.

Sa regular borrowers, nasa average na 8 porsiyento ang bawas sa monthly amortization. 

Halimbawa, kung P10,000 ang monthly amortization, naging P9,200 na lang dahil sa mga bagong patakaran.

“Di naman lahat ng bagay pataas, ang net income ng pag-IBIG pataas, pero ang interest rates naman natin pababa,” sabi ni Pag-IBIG President at CEO Acmad Moti.

Kaugnay pa rin sa housing loan, kapag hanggang P1 milyon ang value ng property, hanggang 95 porsiyento ang puwedeng utangin sa pag-IBIG.

Kapag lagpas P1 milyon hanggang P1.7 Milyon ang halaga ng property, puwedeng utangin sa Pag-IBIG ang hanggang 90 porsiyento nito.

Sa lagpas P1.7 milyon HANGGANG P6 milyon ang halaga ng property, hanggang 85 porsiyento nito ang puwedeng utangin sa Pag-IBIG Fund. -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.