'Puhunan' mula sa dayuhan, ginawang donation sa Rappler

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2018 06:58 PM

Ibinabalik na ng U.S.-based Omidyar Network ang Philippine Depositary Receipts (PDR) nito sa Rappler.

Nag-donate ang Omidyar ng mga PDR na nagkakahalagang $1.5 milyon sa 14 na Pilipinong manager ng Rappler, kabilang ang founder na si Maria Ressa. Sa ginawa nilang ito, tila ibinigay na nila sa Rappler ang kanilang puhunan. 

Ayon kay Stephen King, partner sa Head Global Governance and Citizen Engagement Initiative, sa ginawang ito ng Omidyar, nawalan ng basehan ang Securities and Exchange Commission na ipasara ang Rappler dahil sa umano'y paglabag nito sa "foreign equity restriction" na nakasaad sa Saligang Batas. 

Bawal sa 1987 Constitution ang pagmamay-ari ng mga banyaga sa mass media sa Pilipinas. Dahil sa PDR ng Omidyar, ipinagpalagay ng awtoridad na nalabag ang foreign equity restriction. 

Ang “PDR,” ayon Philippine Stock Exchange: “security which grants the holder the right to the delivery of sale of the underlying share. PDRs are not evidences or statements nor certificates of ownership of a corporation.” 

Ito ay “investment tool” para makapaglagak ng puhunan. 

Pero nanindigan ang Omidyar at ang Rappler na wala silang ginawang mali.

Giit ng Omidyar, kahit nagkaroon sila ng mga PDR ng Rappler, hindi sila nagkaroon ng kahit anong kontrol sa operasyon nito.

Nagpasalamat naman si Ressa sa donasyon ng Omidyar sabay inihirit sa SEC na iatras ang closure order para mapatunayang walang bahid ng politika ang pagbawi nito ng lisensiya ng Rappler.

Sa isang pahayag, sinabi ng SEC na pag-aaralan muna nito ang isyu at ipinunto ring nakahain na sa Court of Appeals ang kaso ng Rappler.

"Studying the matter in light of pendency of case before the Court of Appeals," pahayag ni Teresita Herbosa, chairperson ng SEC.

Inaapela kasi ng Rappler ang desisyon ng SEC na inilabas noong Enero 15 tungkol sa umano'y paglabag ng Rappler sa itinakda ng Konstitusyon ukol sa pagmamay-ari ng media sa bansa. 

Noong nakaraang linggo lang, iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi lehitimong ahensiya ang Rappler kaya pinagbawalan niya ang reporter nitong makapasok sa Malacañang compound.

Kinastigo rin ng Palasyo ang Rappler dahil sa anila'y iresponsable nitong pamamahayag, partikular sa paglalabas ng umano'y "fake news" na nagdadawit kay Special Assistant to the President Bong Go sa frigate acquisition project ng Philippine Navy.

-- Ulat ni Warren de Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.