Mga dapat isaalang-alang bago bumili ng condo

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2018 09:37 PM | Updated as of Mar 01 2018 10:48 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Kaliwa't kanan ang mga itinatayong condominium sa loob at labas ng Metro Manila.

Kaya nagbigay ang Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) ng ilang patnubay bago kumagat sa magagandang alok ng mga nagbebenta ng condo unit.

Una ay i-check sa website ng HLURB kung rehistrado ang developer at may lisensiya ang proyektong binebenta.

Maaari kasi umanong rehistrado ang developer pero may cease and desist order o bawal ibenta ang isang proyekto.

Maigi ring tiyaking lisensiyado ang broker o nagbebenta ng condo.

Puntahan ang lugar na pinagtatayuan ng condo para makita kung angkop ito sa nais na lifestyle o pamumuhay.

Tandaan din ang mga ipinangakong pasilidad dahil dapat itong tuparin ng developer.

"Always retain iyong mga brochures kasi in effect that is also a contract," ani HLURB Commissioner Luis Paredes.

Basahin din umano nang mabuti ang contract to sell bago pumirma. Tingnan sa kontrata kung tama ang nakalagay na presyo, amortization, at downpayment.

Dapat din ay nasa buyer na ang condominium certificate of title sa loob ng anim hanggang pitong buwan matapos mabayaran nang buo o fully paid ang yunit.

Sa datos ng HLURB, may 208 condo projects sa buong bansa noong 2017 na katumbas ng 104,216 condo units.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.