P500 buwanang ayuda sa kumikita ng minimum wage, inaaral na

Alvin Elchico, ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2018 06:48 PM | Updated as of Feb 14 2018 11:08 PM

Construction workers use jackhammers to demolish a building in Manila, December 11, 2017. Photo by Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Pinag-aaralan na ng isang grupo ng manggagawa, kasama ng ilang ahensiya ng gobyerno, ang pagbibigay ng P500 buwanang ayuda sa mga manggagawang sumasahod ng minimum wage para makaagapay sila sa epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN.)

Ayon sa Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na busisiin ang pagbibigay ng subsidyo para sa mga empleyadong sapul ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo bunsod ng TRAIN.

Dagdag ng grupo, hindi tulad ng ibang manggagawang tumaas ang take-home pay dahil sa reporma sa income tax kasunod ng TRAIN, ang minimum-wage earners ay wala naman nadagdag sa iniuuwing kita dahil dati na silang walang income tax.

Kasama sa grupong rerepaso sa subsidyo ay ang mga kinatawan ng ALU-TUCP, Department of Budget and Management (DBM), National Economic and Development Authority (NEDA), Department of Finance (DOF), at Department of Energy (DOE).

Dalawang isyu ang pag aaralan ng grupo--ang subsidiya at mga paraan para maibaba ang presyo ng kuryente, kaya kabilang din ang DOE sa grupo.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ayon sa ALU-TUCP, Nasa 4 milyon ang minimum wage earners na miyembro ng Social Security System (SSS).

Kung bibigyan lahat ng P500 na subsidyo kada buwan, mangangailangan ang gobyerno ng pondong P2 bilyon kada buwan o katumbas ng P24 bilyon kada taon.

Pero giit ng grupo, di ito dapat ituring na pabigat sa kaban ng gobyerno.

Nabawasan na kasi ang purchasing power o ang kayang mabili ng minimum wage sa buong bansa dahil sa pagmahal ng bilihin at serbisyo.

Sa Metro Manila halimbawa, ang P512 na minimum wage, ay halos P357.29 na lang daw ang halagang kayang bilhin dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin gayundin ang mga gastusin, ayon sa ALU-TUCP.

Nasa P235 na rin lang ang purchasing power ng P366 na minimum wage sa Cebu; habang P207 na lang ang tunay na halaga raw ng P340 na minimum wage sa Davao City.

Umaasa ang ALU-TUCP na maglalabas ng direktiba si Duterte para sa P500 buwanang subsidyo kasabay ng Labor Day.

Nauna nang sinabi ng NEDA na kailangang araling mabuti ang panukalang P500 buwanang ayuda sa minimum wage earners.

Makaaapekto kasi ito sa nakalaang pera ng bansa para sa impraestraktura at iba pang programa ng gobyerno, ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia. 

"It's going to hit the revenue-generation side of government and we need a lot of revenue for our investment program, our 'Build, Build, Build' program," sabi ni Pernia sa isang panayam kamakailan. 

Noon lamang Oktubre, ipinatupad ang P21 umento para sa mga sumasahod ng minimum wage sa pribadong sektor sa Metro Manila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.