Dagdag-singil sa kuryente, papalo nang higit P1/kWh

ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2018 06:36 PM | Updated as of Feb 08 2018 09:12 PM

Meralco, magpapataw ng 'utay-utay' na dagdag-singil

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nag-abiso ang Meralco nitong Huwebes na nasa P0.75 kada kilowatt-hour (kWh) ang ipatutupad nitong dagdag-singil sa kuryente ngayong Pebrero.

Ito ay matapos silang payuhan ng Energy Regulatory Commission (ERC) na huwag ipataw nang isang bagsakan sa February bill ang dagdag-singil na dapat sana ay nasa P1.08/kWh.

Sa Marso na lang ipatutupad ang natitirang P0.33 dagdag-singil.

"Naghahanap talaga tayo ng paraan kung papaano ito mapadadali sa mga konsumer," ani Joe Zaldarriaga, tagapagsalita ng Meralco.

"Bilang nasa serbisyo-publiko, kailangan isaalang-alang mo din 'yong kapakanan ng consumer," dagdag ni Zaldarriaga.

Ayon sa Meralco, nagkaroon ng dagdag-singil dahil nagmahal din ang singil sa kanila ng mga power plant at supplier ng kuryente.

"Pinakamalaking component is the generation charge so mayroon din itong impact sa suppliers ng Meralco," ani Larry Fernandez, head ng utility economics sa Meralco.

Isa rin umano sa dahilan ng pagsipa ng presyo ng kuryente ang paghina ng piso kontra dolyar at ang pagpataw ng value-added tax sa transmission charge.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.