ALAMIN: Maaaring epekto ng ikatlong telco sa bilis ng internet

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2018 09:51 PM

Wala pang isang araw ay natupad na ang hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte na maibalik sa gobyerno ang ilang frequency na nasa kamay ng PLDT na nais niyang ipagamit sa papasok na ikatlong telco. 

Pumayag na ang PLDT matapos ang pagbabanta ni Duterte na gagamitin niya ang Bureau of Internal Revenue laban sa telco na hindi magbabalik ng frequency, na tila patama sa kompanya. 

“'Wag ninyo [ako] tatakutin, kaso-kaso. Maya-maya magdating 'yang BIR and start to audit you during the first year of your business," pagbabanta ni Duterte sa isang talumpati Martes ng gabi.

Pagdating ng Miyerkoles ng madaling araw, nagsabi si Department of Information and Communications Technology (DICT) OIC Secretary Eliseo Rio na nakuha na nila ang frequency na hinihingi ng presidente.

Ito ay ang 10mhz frequency na nakuha ng PLDT noong binili nito ang CURE taong 2007. 
    
Binabawi ito ng National Telecommunications Commission (NTC) at pinababalik sa gobyerno noong 2011 matapos bilhin ng PLDT ang Digitel, dahil masyado na raw kasing malaki ang 3G frequency na hinahawakan ng kumpanya.
 
Pumayag naman ang PLDT pero humingi ito ng bayad para sa frequency kaya tumagal ang pagbalik nito.

"Gusto ni Presidente na kunin 'yung frequency at no cost to the government. Iyun ang kaniyang instruction, napaabot ko na kay MVP (Manny V. Pangilinan) kahapon at pumayag na po siya sa kondisyon ni Presidente," ani Rio. 

Isasama na ito sa iba pang frequency na maaaring gamitin ng ikatlong telco player, na dapat mapangalanan ni Rio sa susunod na buwan. 
    
Nagpasalamat naman ang mga maliliit na telco player na sasabak sa bidding para rito.

"That spectrum will be more than enough. Technology has advanced so much we can multiplex spectrum and drive stronger and further with better utilization," ani Jonathan Bradley Stevens, chairman ng Tier One.

"More spectrum is ideal of course and would allow any player to compete on better terms with the incumbents. Credit must be given to the DICT and the Palace to get back the CURE frequencies," ani Miguel Bitanga, chief operating officer ng PT&T, isa sa mga inaasahang lalahok sa bidding para maging ikatlong telco. 

Epekto ng ikatlong telco sa mga konsumer

Pero totoo nga bang mapagaganda ng isang panibagong telco ang serbisyo ng cellphone at internet sa Pilipinas? Ano pa nga ba ang dapat gawin ng gobyerno para mabilis ang serbisyo at mabawasan ang presyo nito?

Ayon sa isang eksperto, maraming puwedeng gawin ang ikatlong telco agad-agad. 

"Puwede niyang ibagsak ang presyo niya. Kailangan kasi niyang dumiskarte para dumami ang subscriber niya....Puwede rin siya magtayo ng serbisyo sa mga unserved o underserved areas," paliwanag ni Grace Mirandilla Santos, lead convenor ng Better Broadband Alliance. 

Pero dagdag ni Santos, marami pang kailangang gawin ang gobyerno para lalong gumanda ang serbisyo ng internet sa bansa.

Rekomendasyon ni Santos para umasenso ang internet sa Pilipinas: 

• Hikayatin ang iba't ibang teknolohiya tulad ng satellite, fiber optic cables, high tech wireless; 
• Tulungan ang maliliit na telco; 
• Magtayo ng impraestruktura sa unserved and underserved areas (rural); 
• Baguhin ang batas na Republic Act 7925 o Public Telecommunications Policy Act of the Philippines. 
    
Sinabi rin ni Santos na legal ang pagbawi ng frequency sa mga higanteng telco para maibigay sa mga iba pang player.

"Nasa batas na puwedeng bawiin ng NTC ang frequencies para sa national interest," ani Santos.

Para makatulong dito, gumagawa ng panukala si Sen. Sherwin Gatchalian para palakasin pa at bigyan ng ngipin ang NTC.

"Kaya lang ang batas natin kailangan nating emyendahan kasi sa ngayon hindi pinapayagan sa telco ang foreign-controlled corporations," ani Gatchalian.

Para naman kay Sen. Grace Poe, magandang dahilan din ang pagpapaganda ng communications service para tutukan ang pagpayag ng foreign ownership sa telecommunications sa pamamagitan ng charter change.

--Ulat ni Warren de Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.