Bilis ng pagtaas ng presyo ng bilihin nitong Enero, 'sobra sa inaasahan'

ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2018 08:45 PM

Humataw ang inflation rate, o ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, nitong Enero.

Pumalo ang inflation rate sa 4 porsiyento, mas mataas sa inaasahan ng ilang eksperto at nasa pinakamataas na antas sa forecast ng gobyerno. 

Malaki kasi ang itinaas sa presyo ng pagkain at inuming walang alcohol bunsod ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN).

Sumipa rin ang presyo ng ilang produkto mula sa sektor ng agrikultura dahil naman sa sunod-sunod na bagyong tumama noong huling tatlong buwan ng 2017. 

Pero ayon sa mga opisyal na nakatutok sa ekonomiya sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, walang dapat ikabahala dahil pasok pa rin naman ang naitalang inflation sa forecast range o naitakdang 2-4 porsiyentong inflation target ngayong 2018.

"I think we can still be within the range. Let's just hope world oil commodity prices as well as other global commodity prices don't rise further," saad ng pahayag ni Department of Trade and Industry Sec. Ramon Lopez.

("Pasok pa rin ito sa inaasahang inflation rate ng 2018. Sana lang ay hindi na tumaas pa ang presyo ng langis at iba pang produkto sa pandaigdigang merkado.")

"It's on the high side but still within our target range. No reason to hit the panic button. One month's performance does not make a year," pahayag naman ni Department of Budget and Management Sec. Benjamin Diokno.

("Mataas man ang inflation rate, pasok pa rin ito sa inaasahan. Hindi kailangang mag-panic. Hindi katumbas ng naitala sa isang buwan ang isang buong taon.")

"The higher January 2018 reading was expected by the BSP although it is at the top end of our forecast for the month. Due mainly to combined first round effects of TRAIN, oil prices, and food to some extent. We think these are temporary drivers of inflation and would eventually stabilize. Nevertheless, BSP will be closely monitoring the situation and stand ready to take timely action based on our evaluation of all relevant data," pahayag ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Nestor Espenilla Jr.

("Inasahan na ng BSP ang naitalang inflation rate nitong Enero na dulot halos ng TRAIN, presyo ng krudo, at pagkain. Kalauna'y magiging stable din ang mga presyo. Binabantayan ng BSP ang sitwasyon at aaksiyon base na rin sa makakalap na datos.")

HIGPIT-SINTURON

Hindi raw ramdam ng contractor na si Allan Toreo ang mas mababang buwis at mas malaking take-home pay dahil sa TRAIN.

Pero ang lasap na lasap daw ngayon ni Toreo ay ang pagtaas ng presyo ng ilang produktong karaniwan niyang binibili, tulad ng sardinas.

Hindi na nga raw kasya ang budget niya dapat para sa pagkain. Mas kaunti na rin daw ang nabibili ng P500 ngayon, kumpara noong nakaraang taon.

Nahihirapan na ring mag-budget para sa kanilang araw-araw na gastusin ang housewife na si Lisa Fabrero.

Umaasa kasi silang pamilya sa sahod ng mister na kumikita ng minimum wage.

Aniya, napupuruhan sila ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo dahil wala namang dagdag-take-home pay ang mister nang ipatupad ang TRAIN.

Ayon kay Cristina Ulang, research head ng First Metro Investment Corp., makatutulong sa pagbaba ng presyo ng bigas ang panukalang magpapasok ng mas maraming imported rice at baguhin ang sistema sa pag-angkat nito.

Ayon din sa National Economic and Development Authority (NEDA), makikinabang ang sektor ng agrikultura kung papalitan na lang ng taripa ang ngayo'y paglilimita sa inaangkat na bigas.

"When the quantitative restrictions are replaced by tariffs, the government will also be better able to help enhance the country's competitiveness and productivity in agriculture. Revenues from tariff on imported rice will be used to finance government programs for agriculture," pahayag ni NEDA Sec. Ernesto Pernia.

May tatlo pang panakula sa ilalim ng TRAIN na itinutulak ng DOF sa Kongreso, at maaaring matamaan ng mga ito ang presyo ng sigarilyo, alak, at kuryente. -- Ulat ni Warren De Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.