Paglago ng ekonomiya, pasok sa target ng gobyerno

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2018 01:41 PM | Updated as of Jan 23 2018 04:12 PM

Pasok ang paglago ng ekonomiya noong huling tatlong buwan ng 2017 sa target ng gobyerno, kahit na mas mababa ito sa inaasahan ng merkado.

Ayok kay Socioeconomic Planning Sec. Ernesto Pernia, inaasahan ang pagbagal sa paglago ng gross domestic product o GDP kumpara noong 2016 dahil walang dagdag paggastos kaugnay ng halalan.

Lumago ang GDP ng 6.6 porsiyento noong fourth quarter, pasok sa 6.5 hanggang 7.5 porsiyento na target ng pamahalaan, ngunit mas mababa sa 6.7 porsiyento na inaasahan ng mga ekonomista, ayon sa Reuters at Bloomberg.

Para sa buong taon ng 2017, lumago ang ekonomiya ng 6.7 porsiyento.

Kabilang pa din ang Pilipinas sa mga ekonomiya sa Asya na mabilis ang pag-unlad, ayon kay Pernia.

 

Sa datos na iprinesenta ni Pernia, sinabi nitong mas malakas ang naitalang paglago ng ekonomiya noong 2017, kumpara sa ibang taon matapos ang isang eleksyon. 

Samantala, inaasahan naman ni Pernia na magtatala ng mas mabilis na paglago ang GDP sa unang tatlong buwan ng 2018 bunsod ng mas mataas na tak-home pay ng mga empleyado dahil sa ipinasang tax-reform law.

--May ulat ni Michelle Ong, ABS-CBN News
    

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.