4,000 empleyado ng Miascor, nangangambang mawalan ng trabaho

ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2018 11:57 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MIAA: 33 kaso ng pagnanakaw sa bagahe noong 2016 at 2017.

Higit 4,000 empleyado ng Miascor ang nanganganib na mawalan ng trabaho matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagputol ng kontrata ng ground handling service provider dahil sa mga kaso ng pagnanakaw ng bagahe.

Tuluyan nang kinansela ng Manila International Airport Authority (MIAA) at Clark International Arport ang kontrata ng Miascor dahil sa direktibang binitawan ng Pangulo noong Huwebes.

Dalawang buwan ang ibinagay na palugit sa kompanya.

Kaya kabado na ang mga tulad ni Irma Catapang, empleyado ng Miascor.

May 13 taon nang nasa utility ng Miascor si Catapang sa airport lounge ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ipinagtataka ni Catapang kung bakit kailangan nilang madamay sa kasalanan ng iba.

"Nakikiusap ako sa inyo na bigyan niyo kami ng pagkakataon, hindi po lahat ng Miascor ay gumagawa ng katiwalian, may gumagawa ng matitinong empleyado na ang ginagawa ay magtrabaho ng maaayos," panawagan ni Catapang sa Pangulo.

Pero mayroon naman umanong alternatibo para sa mga mawawalan ng trabaho.

Sa NAIA, may lima pang airline operator na maaaring pasukan ng mga mawawalan ng trabaho.

Kakausapin umano ng NAIA ang mga airline operator na bayaran ng tama ang mga empleyado para hindi matuksong gumawa ng hindi tama.

Body camera

Sa tala ng MIAA, umabot sa 33 ang naitalang kaso ng pagnanakaw sa bagahe noong 2016 at 2017.

Labingwalo umano dito'y kinasangkutan ng mga tauhan ng Miascor.

Kasama na rito ang umamin na tatlong Miascor ground handlers na nagnakaw umano ng alahas ng asawa ng Turkish foreign minister sa kasagsagan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit noong nakaraang taon.

Upang maiwasan naman ang pagnanakaw, ipinanukala ng MIAA na maglagay ng body camera sa mga empleyadong hahawak ng mga bagahe.

Nais din nilang lagyan ng monitor ang mga conveyor belt.

"Para ma-document, malaman kung ano ginagawa. Para kung may issue, may ebidensya tayong makikita" ani MIAA General Manager Ed Monreal.

Nag-abiso naman ang airport authorities sa mga pasahero na ilapit agad sa airline kung may problema sa bagahe.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.