Ilang gasolinahan, nagpatong na ng excise tax; isa pang taas-presyo, nagbabadya

ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2018 10:47 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nagtaas na ng presyo ang ilang gasolinahan dahil sa epekto ng mas mataas na excise tax sa petrolyo. Pero bukod dito, maaaring magkaroon pa ng pagmahal dahil sa pagtataas naman ng presyo sa pandaigdigang merkado. 

Nagpaskil ng paalala ang ilang mga gasolinahan na may dagdag na ang mga presyo ng petrolyo bunsod ng tax reform law.

Nagpasabi na rin sa Department of Energy (DOE) ang 175 na istasyon ng Petron at 24 ng Chevron na magtataas na sila ng presyo.

May pito namang na-monitor ang DOE na Shell stations na nagdagdag na rin ng excise tax sa kanilang presyo.

Sa El Nido, Palawan, isang concerned citizen ang nagpadala ng retrato ng ilang gasolinahan na nagtaas na ng presyo.

Lagpas na sa P60 kada litro ang presyo ng gasolina habang halos P50 naman sa diesel.

Sa Enero 15 o 16 pa tinatantiya ng DOE na mauubos ang lumang stock ng produktong petrolyo kaya sa Lunes o Martes pa sana inaasahang magkakaroon ng adjustment sa presyo.

"Ang estimation would be mga sa 16 that's why nagko-conduct pa sila ng mga imbentaryo ngayon. Hindi kasi pare-pareho 'yung natitirang inventory ng oil companies," ayon kay DOE Secretary Alfonso Cusi.

Kaya naman kailangan ng mga nagtaas ng presyo na magpresenta ng ebidensiya sa DOE na ubos na talaga ang old stocks nila.

"They have to make sure na talagang ubos na 'yung old stocks and what they are selling are new stocks. Dahil doon sa old stocks, hindi naman dapat talaga mag-charge ng excise tax," ani Cusi.

Ipinaliwanag ng DOE na hindi naman dapat kompanya ng mga langis ang makikinabang sa excise tax, at gobyerno pa rin ang mangongolekta nito.

Sa tax reform law, nasa halos P3 kada litro ang dagdag sa gasolina at diesel at higit P3 naman sa kerosene.

Idadagdag dahil sa tax reform law

Gasolina - P2.97/L
Diesel - P2.80/L
Kerosene - P3.30/L

Bukod pa rito, nakaamba rin ang taas-presyo sa susunod na linggo.

Base sa three trading days sa world market, P0.84 kada litro ang dagdag sa gasolina, P0.47 kada litro naman sa diesel, at P0.42 sa kada litro ng kerosene. 
 
Kung hindi gaanong gagalaw ang presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado, nasa P4 ang dagdag kada litro sa gasolina sa susunod na linggo kasama na ang adjustment dahil sa excise tax.

Pero maaari pa umanong gumalaw ang presyong ito dahil may dalawang araw pa bago maipatupad ang mga ito sa retail stations.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.