Sobra-sobrang taas-presyo dahil sa bagong buwis, pinangangambahan

ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2018 09:08 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nangangamba ang isang eksperto na posibleng abusuhin ng mga negosyante ang nakaambang pagtaas ng presyo ng ilang bilihin dala ng reporma sa sistema ng buwis.

"Dapat dito ang DTI (Department of Trade and Industry) ang magbantay para siguradong hindi abusuhin," pahayag ni Mon Abrea, chief strategy officer ng Abrea Consulting Group. 

Dagdag ni Abrea, dapat paigtingin ang pagbabantay sa mga lalawigan dahil mas malaki ang posibilidad na doon abusuhin ang dagdag-singil.

"Mas nandoon (probinsiya) 'yong mga posibleng pang-aabuso sa pagtaas ng presyo kasi dito sa NCR (National Capital Region), madaling mabantayan," ani Abrea.

Sa ilalim ng reporma, na epektibo simula kahapon, Enero 1, bubuwisan ng P6 kada litro ang mga inuming may caloric at non-caloric sweeteners.

Ang mga inumin namang may high fructose corn syrup ay sisingilin ng P12 kada litro.

Inabisuhan na ng mga distributor ng malalaking manufacturer ng softdrinks at iba pang matatamis na inumin ang mga may-ari ng karinderya at sari-sari store hinggil sa taas-presyo.

Nagulat si Pilipinas Ann Marie, na anim na taon nang nagpapatakbo ng karinderya, sa laki ng itinaas ng mga inumin.

"In-expect ko baka mga P10 lang ang isang case pero kasi sabi mahigit nga raw 20, mahigit 30," kuwento niya.

Sa price list ng isang tindahan galing sa kanilang supplier, umakyat ng halos P2 ang presyo ng 300 milliliter na bote ng softdrinks.

Si Evelyn Flores, na anim na dekada nang may-ari ng karinderya, nag-imbak ng stock ng mga matatamis na inumin noong nakaraang linggo.

Pero aminado si Flores na hindi rin ito tatagal at hindi maiiwasan ang pagtaas ng presyo.

Posible rin umanong tumaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng bigas kahit hindi papatawan ng mataas na excise tax dahil naman sa pagtaas ng buwis sa petrolyo.

"Hindi siguro ganoon kalaki para maapektuhan lahat ng mga manggagawa. Ang talagang dapat ingatan 'yong mga walang trabaho, 'yong mga mahihirap," ani Abrea.

Sa ilalim din ng reporma, bababa ang personal income tax ng mga empleyado.

Para kalkulahin kung magkano na ang magiging income tax ngayong 2018, maaring gamitin ang Pinoy Tax Calculator ng ABS-CBN News. 

-- Ulat ni Warren De Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.