Oil price hike, ramdam din sa probinsiya; dagdag-pasahe, inihirit

ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2018 09:44 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ramdam din sa mga probinsiya ang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa pagpasok ng Bagong Taon kaya naman nanawagan ng dagdag-pasahe ang isang transport group sa Iloilo City. 

Dismayado ang transport group sa Iloilo City na Loop Alliance of Jeepney Operators and Drivers Association dahil nakabimbin pa rin hanggang ngayon ang kanilang petisyon para dagdagan ang pamasahe.

Mula P6.50 na regular na pamasahe ng jeep, gusto nila itong gawing P10.

Nag-anunsiyo kasi ang ilang kompanya ng langis na tataas ang presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong Martes.

Tumaas ng P0.20 ang kada litro ng gasolina, P0.65 kada litro ng diesel, at P0.75 kada litro ng kerosene. 

Ayon pa sa pinuno ng grupo na si Boyet Parcon, tumataas na ang presyo ng petrolyo at mga pangunahing bilihin pero ganoon pa rin ang pamasahe.

Handa naman sila sa PUV modernization program dahil may kooperatiba nang tutulong sa paggawa ng bagong jeepney units.

Sa Davao City naman, umaangal ang ilang taxi driver gaya ni Alfonso Lemuel na ngayon pa lang ay tutol na sa pagpapatupad ng excise tax dahil mapipilitan ang mga kompanya ng langis na magdagdag-presyo.

Sa regular na araw, P1,500 ang kinikita niya at P1,000 dito ay napupunta sa nirerentahang taxi kaya P500 na lang ang kaniyang naiuuwi.

Ayon kay Lemuel, kukulangin na ang maiuuwi niya sa kaniyang pamilya kung tataas pa ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Wala namang problema ang pagpataw ng excise tax para sa motoristang si Dr. Marcelo Dahinog Jr. basta mapupunta ang pondo sa mga proyekto at hindi sa korupsiyon.

Sa ngayon, nasa P37.85 na ang presyo kada litro ng diesel sa Davao City habang P40.85 naman ang presyo kada litro ng gasolina.

-- Ulat ni Hernel Tocmo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.