Isa pang palya sa pera: Mukha ni Roxas, napunta sa 'bulkan'

ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2018 07:56 PM | Updated as of Jan 03 2018 08:37 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Matapos lumabas ang “faceless” P100 bills noong nakaraang linggo, isa namang lalaki ang nasuklian ng P100 na may dalawang mukha ni dating Pangulong Manuel Roxas.

Nagmistulang doble kara ang P100 papel na isinukli umano sa isang lalaki sa palengke sa Tandang Sora, Quezon City.

Bukod sa mukha ni dating Pangulong Manuel Roxas sa harapan, makikita rin ang kaniyang mukha sa likod at nakapatong sa larawan ng Mayon Volcano. 

“Bibili po kaming magkakaibigan nu'ng fountain, paputok sa palengke then binayad namin ‘yung P500 bill. Nung pagbili namin, ‘yun ‘yung sinukli sa ’min. Akala namin manipis lang ‘yung pera, bumabakat lang ‘yung nasa harap. Hindi naman siya peke, tunay talaga,” kuwento ni Emmanuel Constantino, nasuklian ng nasabing salapi. 

Umabot na ng hindi bababa sa 5,000 likes ang post ni Constantino sa Facebook na may retrato ng nasabing pera. 

May mga nagpadala rin sa kaniya ng mensahe para bilhin ang pera sa halagang P200 hanggang P2,000 pero sa ngayon ay itatago na lang muna niya ang kakaibang P100 bill kahit pa hindi niya ito ipinakita sa bangko o sa Bangko Sentral ng Pilipinas. 

Nitong nakaraang Biyernes, nagulat din ang estudyanteng si Yves Osorio nang mag-withdraw siya sa isang automated teller machine (ATM) sa Makati at nakakuha ng siyam na “faceless” P100 bills.
    
"Out of the 33 bills siyempre ako pa 'yung nakakuha ng nine bills na ‘yun. I was not expecting,” ani Osorio.

Wala ring balak si Osorio na ibalik sa bangko ang mga ito.
    
“Some of my friends said itago ko daw kasi it might have some value in the future daw,” aniya.

Nauna nang naglabas ng pahayag ang Bangko Sentral ng Pilipinas tungkol sa mga Facebook post kaugnay ng misprinted peso bills, na maaaring magdulot ng kalituhan o masamang epekto sa komersiyo at sa piso. 

 

Inamin din ng BSP na nagkaroon ng mechanical error sa pag-imprenta ng pera.

Bumili kasi ng mga bagong makina ang central bank at hindi ito agad na-i-calibrate nang tama.

Payo ng BSP sa mga makakakuha ng misprinted bills, agad itong ipapalit sa bangko. 

-- Ulat ni Kristine Sabillo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.