Tips sa pag-ipon ng pera ngayong 2018

ABS-CBN News

Posted at Jan 01 2018 02:51 PM | Updated as of Jan 01 2018 07:43 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Isa sa mga karaniwang isinasama sa New Year's resolution pagpasok ng bagong taon ang pagnanais na makapag-ipon ng pera.

Mayroong iba't ibang dahilan ang mga Pilipino sa pag-iipon.

"Number one ang pag-iipon para sa kinabukasan," sabi ng inang si Mercy Asuncion.

"Kailangan tumulong sa pag-aaral ng apo," pahayag naman ng retiradong si Rudulfo Hernandez.

"Kalahati gusto ko ibigay sa magulang ko," sabi ni AJ Gandulfos, isang estudyante.

Para makatulong sa pangangasiwa ng pondo, nagbahagi ng ilang tips ang financial expert na si Pinky De Leon-Intal.

Aniya, magtago ng talaan ng lahat ng gastos kada araw upang malaman kung saan napupunta ang pera at kung paano ito mas magagastos ng wasto.

Mahalaga rin umano ang pagtabi ng pondo para sa mga emergency.

Tuwing pupunta ng mall upang mag-shop, gumawa ng listahan ng mga bibilhin at sundin ito.

Kapag dumating ang suweldo, agad itabi ang target na halaga o porsiyento.

Bagaman maraming tukso, disiplina ang susi sa matagumpay na pag-iipon ng pera.

'IPON IPON DIN'

Maging ang Bangkol Sentral ng Pilipinas (BSP) ay nanghikayat sa publiko na mag-ipon sa pamamagitan ng kampanya nitong may hashtag na #IponIponDin.

Ayon sa BSP, mas maraming Pilipino ang walang ipon sa bangko kaysa sa may deposito.

Sa pagtatapos ng 2017, napag-alaman ng BSP na bumaba rin ang bilang ng mga pamilyang may ipon sa bangko.

Nasa 35.6 porsiyento ng mga kabahayan ang may ipon sa bangko noong huling tatlong buwan ng 2017, mula sa 26.8 porsiyento noong mula Hulyo hanggang Setyembre.

Sa pagpasok ng 2018, bababa naman ang income tax na siyang magtataas sa take home pay ng karamihan swelduhan dala ng reporma sa sistema ng buwis.

Pero kaakibat nito ang pagtaas ng buwis ng ilang mga bilihin at petrolyo.

Tugon ng mga mamamayan gaya nina Asuncion at Gandulfos ay mahalagang alamin ang mga magmamahal na bilihin upang mapamahalaan ng maayos ang pera.

-- Ulat ni Warren De Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.