Daing ng mga tsuper: Buwis sa petrolyo, di kayang kitain kahit may dagdag-pasahe

ABS-CBN News

Posted at Jan 01 2018 10:06 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pagpasok pa lamang ng 2018, hindi na lamang ang inaayawan nilang "jeepney modernization program" ang iisipin ng mga jeepney driver at operator. 

Ang kinatatakutang epekto ng pagkakapasa ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law ay ang pagpapataw ng malaking excise tax sa mga produktong petrolyo, kasama na ang kanilang madalas na ginagamit na diesel. 

Ang dagdag sa presyo dahil sa bagong excise tax ay P2.97 sa bawat litro ng gasolina, P2.80 sa kada litor ng diesel, at P3.36 sa kada litro ng kerosene.

Ayon kay Manny Valdueza na 20 anyos na ang jeep, ayos lang ang modernisasyon dahil mas inaalala niya ang bagong pabigat na excise tax na tiyak kakain sa budget ng pamilya niya.

Paliwanag niya, wala ring mangyayari sa P2 dagdag sa pasahe na hiniling nila kung halos P3 naman ang itataas ng diesel.

Samantala, bunsod naman ng palitan ng langis sa pandaigdigang merkado bago magpalit ang taon, tataas ang gasolina ng P0.20 kada litro, P0.65 naman sa kada litro ng diesel, at P0.75 sa kada litro ng kerosene simula Martes.

Abusadong gasolinahan, ipinapa-report

Ayon sa Department of Energy (DOE), kahit epektibo na ang excise tax ngayong taon, hindi pa ito dapat maikarga sa kasalukuyang presyo ng gasolina.

Lumang stock pa kasi ang mga ibinebenta at may dalawa o tatlong linggo pa bago maubos ang stock na nabili bago mag-Enero 1.

Kaya imo-monitor ng DOE ang mga petroleum product stakeholders na magbebenta agad ng mga langis na may patong na excise tax.

Katuparan ng 'ultimatum'

Sa pagpasok rin ng 2018, sisimulan na ang pagtatanggal sa mga tinaguriang "hari ng kalsada" sa ilalim ng jeepney modernization program matapos ang naging "ultimatum" ni Pangulong Rodrigo Duterte.

"I will give you until the end of the month or until the end of the year. Sumunod kayo kasi, January 1, 'pag may makita akong jeep diyan na hindi nakarehistro, guguyurin ko 'yan sa harap ninyo," babala ni Duterte noong Oktubre 2017. 

Pero paglilinaw ng Department of Transportation (DOTr), hindi naman ito biglaan.

Ayon kay Transportation Undersecretary Tim Orbos, mayroong tatlong taong "transitory period" para hindi mabigatan sa mga requirements ang mga driver at operator.

Kasama sa pagbabago ngayong taon ang pagdadagdag sa mga “motor vehicle inspection unit” para siguruhing iwas-polusyon at ligtas ang mga jeep.

Plantsado na rin kung paano tutulungan ang mga operator at driver na makabili P1 milyong pisong mahigit na unit nang hindi mamumulubi.

Pero ang ilan sa Kamara, hindi pa kumbinsido kung handa na ang sektor.

"There can never be a PUV modernization, without an honest-to-goodness modernization, kung walang rationalization...It should be done in phases," ani Rep. Cesar Sarmiento, House transportation panel chair.

--Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.