Sa mga Kabataang Pilipino na boboto sa Mayo 9

Jose M. Galang

Posted at Apr 26 2016 04:11 AM

Marahil may nabuo na kayong plano kung sino ang mga iboboto sa darating na halalan. Kung tama ang mga surveys nitong nakaraang araw, kasama sa iboboto ninyo si Bongbong Marcos, ang anak ng dating diktador.

Sinasabing si Bongbong Marcos daw ay nangangako ng pagbabago at pag-angat ng ating ekonomiya. Kung tutuusin, mahirap ang hindi maakit sa ganitong mga salita at pangako lalo na at marami pa rin sa ating mga kababayan ang naghihirap.

May kasabihan tayong mga Pilipino na ang hindi raw marunong lumingon sa pinanggalingan, hindi makakarating sa paruruunan. Maraming beses na itong pinatotohanan sa kasaysayan ng ating bansa. Ang mga hindi sumunod sa leksyon ng nakaraan ay hindi nagtatagumpay sa kanilang aspirasyon.

Ngayong nalalapit na ang halalan, higit sigurong nagiging makahulugan ang kasabihan na ito. Dapat lang siguro na tayo ay lumingon muna sa pinanggalingan natin bilang isang bansa nung panahon ng diktadurya ni Ferdinand Marcos, ang ama ni Bongbong Marcos.

Kung hindi pa rin maliwanag sa inyo kung bakit si Marcos, ang diktador, ay pinatalsik ng henerasyon na nauna sa inyo, ito ang pinakasimpleng paglalarawan ng kalagayan ng Pilipinas nuon: Nang maging presidente si Ferdinand Marcos nuong 1965, ang ekonomya ng Pilipinas ay itinuring na pangalawa lamang sa Japan sa katiwasayan.

Sa loob ng 20 taon ni Marcos bilang presidente — mahigit isang dekada na isinailalim niya ang bayan sa malupit na pamamalakad ng martial law — ang ekonomya natin at nilampasan ng lahat ng ating karatig-bansa sa Asia. Napunta sa ibaba ng listahan ang Pilipinas, at itinuring nga itong “basket case” dahil sa walang kasiguruhan kung ano ang mangyayari sa ekonomya nito.

Nang naging presidente si Marcos nung 1965, ang Pilipino ay nirerespeto sa buong mundo bilang isa sa mga mayayaman na turista. Kapag nasa Hong Kong ang Pilipino nung panahong yun, pinagaagawan siya ng mga tindero ng iba’t-bang paninda. May pambili nuon ang Pilipino, at hinahangaan siya ng mga negosyante sa ibang bansa.

Nagbago ang klase ng Pilipinong nagbi-byahe nung panahon ng panunungkulan ni Marcos. Nung napatalsik si Marcos sa puwesto sa pamamagitan ng “people power” revolt, ang tingin sa ibang bayan sa Pilipino ay domestic help, laborer sa pabrika, driver ng truck, at iba pang trabaho na maliit ang suweldo na hindi man lang mahanap sa kanyang sariling bayan.

Habang nangyayari ang pagbagsak ng ekonomya ng Pilipinas, at ang pag-alis ng mga manggagawa upang maghanap ng trabaho sa ibang bayan, isang uri naman ng cronyism ang umiral — mga kamag-anak at mga kaibigan ni Marcos ang naghari sa negosyo sa tulong ng mga pautang ng gobyerno. Dahil walang hirap nilang naipundar ang mga negosyong ito sa tulong ni Marcos, hindi inasikasong mabuti at nung dumating ang panahon ng taghirap, tiklop lahat ito (“distressed industries” ang naging tawag sa kanila) at kinailangan na naman ng mas malaking tulong pinansyal galing sa pamahalaan ni Marcos.

At dun nga lumabas ang katotohanan na habang naghihirap ang ating mga kababayang manggagawa at ordinaryong empleyado, ang mga kamag-anak at kaibigan ni Marcos ay nakapag-imbak ng yaman sa mga bangko sa abroad. Kasama na rito ang mga bilyon na dollar deposits ng pamilyang Marcos dun sa mga bangko sa Switzerland.

Bakit ang mga bagay na ito ay kailangang lingunin natin muli? Mahalaga ito upang tayo bilang isang bansa ay hindi na uli magkamali at bumoto ng isang Marcos sa isang napakataas na posisyon sa pamahalaan.

May isa pa tayong kasabihan na kung ano raw ang puno, siya rin ang bunga. Mahirap marahil na isipin na ang isang batang Marcos, bagama’t ang tingin siguro ninyo sa kanya ay “cute” na maganda ang ngiti at mahusay mag-speech, siya ay galing sa isang puno na lumapastangan sa ating bayan.

Sa aming may edad na, natatandaan pa namin ang mga magagandang salita ng naging diktador na Ferdinand Marcos nuong nanumpa uli bilang pangulo na nare-elect nung 1969. Ang sabi niya: “I will not demand more of you that I demand of myself and the government — neither wealth nor power shall purchase privilege.”

Marami ring ibang speech na ginawa si Marcos na napakagandang pakinggan. Nguni’t ang katotohanan ay puro kabaligtaran ng kanyang mga sinabi sa mga speech na yun. Sinasabi niya sa kanyang mga speech na gaganda ang buhay ng Pilipino, pero ang totoo ay pinahirapan at nililigpit ang mga pumupuna sa kanya at sa kanyang pamilya.

Kaya, sa mga Kabataan na boboto ngayong Mayo 9, kung may panahon pa kayo, basahin sa mga history books kung anong klaseng pamamalakad ang sinunod ng diktador na Ferdinand Marcos. At basahin din ninyong mabuti kung ano ang sinasabi ni Bongbong Marcos sa kanyang mga speech nitong mga nakaraang araw.

Walang “golden era” nung panahon ng diktador na si Ferdinand Marcos. Hindi maaring baligtarin ni Bongbong Marcos ang katotohanan na iyon. Naramdaman naming mga may edad na ang uri ng gobyerno nuong puno, at mahirap isipin na ang bunga ni Marcos ay magiging iba.

(Disclaimer: The views of the author are his own and are not necessarily the views of ABS-CBN Corp.)

Disclaimer: The views in this blog are those of the blogger and do not necessarily reflect the views of ABS-CBN Corp.