Dating seaman at online seller, nagkapera sa papaya

Skin Magical

Posted at Jul 31 2018 06:50 PM | Updated as of Aug 01 2018 01:31 PM

Kung dati'y dalawang beses lamang sa isang buwan kung makausap niya ang kanyang pamilya, ngayon ay araw-araw nang nakaka-bonding ni Jerry Pangilinan ang kanyang dalawang anak at asawa. 

"Hindi na ako kilala ng anak ko, malayo ang loob sa akin. After two months, alis na ulit," kuwento ni Pangilinan sa dati nilang kalagayan. 

Malaking hirap at sakripisyo ang hinarap ni Pangilinan sa kanyang mahigit 10 taon na pagtatrabaho bilang seaman. 

Hindi naging madali ang "long-distance relationship" para sa kanya at sa asawa niyang si Ghie na noo'y kapapanganak lamang. 

Malaki ang naging gastos ni Ghie sa kanyang panganganak, kaya naman nagpursige si Jerry na makipagsapalaran sa ibayong baybayin para mabayaran ang kanilang mga utang. 

Sa pag-aasam na makatulong sa gastusin, nag-part time naman bilang online seller si Ghie. Nag-umpisa siya sa pagbebenta ng baby products at gadgets mula China. 

"Kapag may sarili ka palang negosyo, 'yong oras mo halos 20 hours kang gising at 4 hours ka na lang natutulog," kuwento ni Ghie. 

Pero sulit naman daw lahat ng puyat at pagod nang maka-"jackpot" sila noong 2013. 

MAY PERA SA PAPAYA 

Habang lumalaki ang kanilang pamilya at dumarami ang pangangailangan ng kanilang mga anak, napagdesisyunan ng mag-asawa na subukang gumawa ng sarili nilang produkto. 

Isang manufacturer ng sabon ang nag-offer na gumawa ng formula para sa sarili nilang brand na tinawag nilang Skin Magical. 

Sa halagang P7,000 ay nakipagsapalaran ang mag-asawang Pangilinan sa papaya. Tinawag nila ang kanilang unang produkto na Rejuvenating Papaya Soap. 

Ito ay mayroong peeling, whitening, at moisturizing properties na agad namang tinangkilik ng mga nais magpaputi ng balat. 

"Ang Pilipino kasi ngayon, mahirap man o mayaman, nahihilig talagang magpaputi ng skin," ani Ghie. 

Hindi inaasahan ng mag-asawa na magiging patok sa mamimili ang kanilang mura at epektibong produkto. Mula sa sa papaya soap, mayroon na silang 100 iba't ibang uri ng beauty products sa kasalukuyan. Nariyan ang toner, lotion, sabon, facial cleanser, at marami pang iba. 

'MAGIC' JACKPOT

Kung dati'y pa-isa-isa ang order na natatanggap ni Ghie, ngayo'y umaabot na sa 150,000 sets ang dini-deliver nila sa kanilang humigit kumulang 80 franchisees at 180 distributors sa buong bansa. 

Kaya naman noong 2013, nagdesisyon na si Jerry na tuluyan nang dumaong sa kanilang tahanan at tulungan na lamang ang kanyang misis na palaguin ang kanilang negosyo. 

Sa ngayon, si Jerry ang nakatoka sa production at distribution ng kanilang mga produkto. Si Ghie naman ang may hawak sa marketing at product development. 

Masusing binabantayan ng mag-asawa ang bawat prosesong dinadaanan ng kanilang producto -- mula sa quality control sa kanilang laboratoryo hanggang sa shipping sa iba't ibang lupalop ng bansa. 

Ayon kina Ghie at Jerry, ang sekreto raw sa paglago ng kanilang negosyo ay ang pagiging tapat nila sa kanilang produkto at customers. 

"Kahit mura siya, hindi siya tinipid sa ingredients. At very safe po talaga 'yong ingredients niya," ani Ghie. 

"Doon po magtitiwala ang mga customer namin, kaya babalik-balikan niya ang aming produkto," dagdag ni Jerry. 
 
Sa kasalukuyan at mayroon na ring apat na branches ang kanilang bagong business venture na Skin Magical Beauty Wellness & Spa.

NOTE: BrandNews articles are promotional features from our sponsors and not news articles from our editorial staff.