Ang Paghahanap kay Rizal sa Heidelberg

Ni Abner P. Mercado

Posted at Jul 14 2010 01:54 AM | Updated as of Jul 14 2010 09:54 AM

Heidelberg, Germany -- Huling linggo ng Hunyo nang magtungo ako sa Germany. Dumalo ako sa International Conference on Climate Change sa Bonn, dating kapitolyo ng West Germany. Sinamantala koang ilang araw na ilalagi ko pa sa bansang ito bago umuwi ng Pilipinas.

Lulan ako ng modernong Deutsche Bahn na mas kilala sa tawag na DB, ang national railway system ng Alemanya. Malinis, mabilis at makabago ito: para kang nakasakay sa eroplano sa loob ng tren. Ang aking destinasyon: Heidelberg o HD.

Nag-umpisa ang aking paglalakbay sa Cologne. Dumaan ang aking tren sa matulaing River Rhein. Mga kastilyo at mga luntiang bulubundukin ang nakahangga sa ilog habang dumadaan sa mga bayan gaya ng Koblenz at Mainz.

Bumabaybay ang ilog sa pitong bansa sa Europa, kabilang ang Germany. Malinis at dalisay ang tubig na dumadaloy dito na kay gandang pagmasdan mula sa bintana ng aking tren. Ilog ito pero nakakadaan dito ang malalaking barko, cargo man o luxury river cruise.

Pasyalan din ang baybayin nito at maraming mga restoran na “alfresco” kaya marami ang mga turistang nakatambay. Bigla akong naiinggit para sa Ilog Pasig habang dumadaan ang aking tren sa tapat ng Ilog Rhein.


Kailangang magtipid

Gabi ako dumating sa Heidelberg mula sa halos 4 na oras na biyahe. Makukuha ito ng 2 oras pero ang pinakamurang tiket sa DB lamang ang kinaya kong bilhin, ang pinakamabagal at pinakamaraming connections. Fifty-four euro lang ang binayaran ko. Kung bibili ako ng “Express” ticket ay 130 euro ang kailangan kong ibayad. Paano nga'y kailangan kong tipirin ang aking pera.

Parang ganito rin ang pagtitipid ng taong hahanapin ko sa Heidelberg noong panahong nanirahan siya roon.

Nagpalipas na muna ako ng magdamag sa isang maliit na hotel malapit sa Heidelberg Hauptbahnhof o central station.

Kinabukasan, pagkagising, tumambad mula sa bintana ng aking hotel ang maaliwalas na Heidelberg. Padating na ang tag-init sa Europa sa huling linggo ng Hunyo, pero mas malamig pa ng tatlong ulit sa klima sa Baguio City ang Heidelberg kapag umaga.

Iisa ang hangarin ko sa pagtungo sa bahaging ito ng Alemanya: ang balikan ang mga naging bakas ni “Pepe” (isa sa mga palayaw ni Jose Rizal) sa lungsod ng Heidelberg.

Una akong nagtungo sa tourist center na nasa harap lang ng aking tinuluyang hotel. Tinanong ko sa tourist information officer kung saan matatagpuan dito ang kanyang bantayog.

“Rizal’s monument is outside Heidelberg, that is in Wilhemsfeld. It will take 30 to 35 minutes by bus,” ayon sa napagtanungan kong tourist officer, sabay abot niya ng tourist pamphlet tungkol kay Rizal.

Isa rin kasi sa mga ipinagmamalaki ng Heidelberg sa mga turista ang kuwento ni Rizal. Itinuturing din kasing residente dito si Rizal ng kanilang kasaysayan.

Dalawang araw ang ilalagi ko sa siyudad na ito at kailangang marating ko ang mga lugar na pinaglagian dito ni Rizal.


‘Ipininta ng kasaysayan’

Sa unang araw ng paglilibot ko, nabighani ako sa ganda ng Heidelberg.

Isa sa pinupuntahan ng mga turista ang Heidelberger schloss o HD castle, isang matayog na kastilyong itinayo noong 1214. Maihahalintulad ito sa Intramuros na may mga bahaging gumuho na. Nire-restore naman ang ilang bahagi nito. Nasa bulubundukin ito at matatanaw mula dito ang lumang siyudad ng Heidelberg at ang dumadaloy na River Neckar.

Maliit lang ang Heidelberg pero mistulang ipininta ng kasaysayan at kalikasan ang kanyang kagandahan. May 150,000 lamang ang mamamayan dito. Sariwa ang hangin at may kuwentong nakabalot sa bawat disenyo ng mga lumang gusali nito.

Ito marahil ang tanawing nagbigay inspirasyon kay Rizal sa mga panahong inilagi niya rito.

Mula sa Paris, napadpad si Rizal dito noong 1886. Sa edad na 25, nagtungo siya rito para kumuha sa Heidelberg University ng medisina at maging espesyalista sa mata, o opthalmologist. Dito nagsanay si Rizal para magamot niya ang sakit ng kanyang ina sa mata.

“I spend half of the day in the study and other half, in the diseases of the eye. Twice a week, I go to bierbrauerie or beerhall, to speak German with my student friends,” ito ang isa sa mga laman ng sulat mula Heidelberg na ipinadala ni Rizal sa kanyang mga magulang sa Calamba, Laguna.

Dito rin sa Heidelberg isinulat ni Rizal ang mga huling kabanata ng kanyang nobelang “Noli Me Tangere”. Kung sa inspirasyon din lang naman, sino ang hindi makakasulat sa ganda ng lungsod na ito? 

Maski ako ay may ipinanganak na konsepto, na dito sa Heidelberg ko naipunla dahil sa ganda ng tanawin. Ang kagandahang ito ang nagbigay sa akin ng aberya sa paghahanap sa monumento ni Rizal. Paano’y na-trapik at nasungkit ng mga lumang arkitektura ng mga gusali ang aking atensiyon at saglit akong naligaw mula sa misyong hanapin dito ang bakas ng aking bayani.

Dalawang araw lang ang ibinigay ko sa aking sarili rito pero naubos ang kalahati ng unang araw ko sa paglilibot. Sa ganda ng mga napapasyalan dito ay nakisabay na rin ako sa mga turistang buhat sa iba’t ibang bahagi ng Europa, Amerika at Asya. Pero sinabi ko sa aking sarili na hindi ako uuwi ng Pilipinas nang hindi ko nakikita ang bakas dito ni “Pepe”.


Mag-aaral na gaya ni Rizal

Pagkapananghali, nagtungo ako ng Universityplatz para mag-abang ng bus patungo ng Wilhemsfeld. Habang naghihintay, isang Pinoy na estudyante ang bumati at nagtanong sa akin.

“Kayo po si Abner Mercado ng ‘The Correspondents,’ di po ba?” Ngumiti ako at nagsabing: “Ako nga, hinahanap ko ang monumento ni Rizal.”

“May shooting po kayo, ginagawa ninyo (ang) kuwento ni Rizal para sa Correspondents?” tanong uli ng batang Pinoy na nasalubong ko.

“Hindi, personal na lakad ko ‘to. It’s my duty bilang Pinoy na nagawi dito sa Germany, gustong kong bisitahin si Pepe,” sagot ko.

“Ay, ako po si Aildrene Tan. Taga-UP (University of the Philippines) po ako,” aniya. At gaya ni Rizal, pag-aaral ang nagdala kay Aildrene sa Heidelberg. Isa siyang exchange student ng UP Diliman, scholar ng European Union at kumukuha ng Geography sa Heidelberg University.

“Gusto niyo po samahan ko kayo. Wala naman po akong gagawin,” alok sa akin ni Aildrene.

Sinamahan ako 20-taong gulang na si Aildrene na halos mag-iisang taon na sa Heidelberg. Mahigit 30 minuto mula sa bus ang biyahe patungo sa Wilhemsfeld. Dumaan sa mga bundok ang bus.

Sabi ni Aildrene, nalaman niya mula sa mga kuwento na nilalakad lang ni Rizal mula sa bahay niya sa Wilhemsfeld ang unibersidad. (Marahil dahil nagtitipid noon ang batang Rizal o kapos sa pera.)

May napag-alaman din naman ako mula sa mga nabasa kong kuwento noon pa, hindi ko lang alam kung dito sa Heidelberg nangyari. Banggit ko kay Aildrene habang sakay kami ng bus patungong Wilhemsfeld: "Si Rizal at ang kaibigan nitong si Blumentritt ay madalas na mag-abang ng mga European na magtatapon ng upos ng sigarilyo at mag-aagawan silang dalawa na pulutin ang sigarilyo kapag may mahihitit pa." (Marahil dahil wala silang pambili at labis ang lamig sa Europa, sa pamamagitan ng paghitit ng pinupulot nilang sigarilyo ay napapainit ang kanilang mga katawan.)


Dangal mula sa Wilhemfeld

Sa maliit na bayan ng Wilhemfeld, nakatayo ang rebulto ni Rizal. Alas-5 pasado na ng hapon nang dumating kami ni Aildrene kaya wala nang tao sa liwasan.

May nadama akong pagmamalaki sa puso dahil pinahalagahan ng bayang ito ang ating pambansang bayani at itinayo rito ang kanyang alaala. Matikas ang bantayog ni Rizal at kasama niya ang mga rebulto ng mga kaibigan at professor gaya nina Otto Becker at Adolf Meyer. May dangal ding nararamdaman ang puso ni Aildrene - bilang mag-aaral na Pinoy na ang piniling bayan ay siya ring bayang dinaanan ng buhay-estudyante ni Rizal sa Europa.

Sa harap ng bantayog nagpalitan kami ni Aildrene ng aming nalalamang kuwento tungkol kay Rizal. Nagkakaisa kami sa dangal naming nadarama dahil may inilaang lugar sa bahaging ito ng Alemanya para sa bayani ng Pilipinas.

Mula sa monumento, tinungo namin ang dating tinuluyan ni Rizal na may 10 minutong lakad mula sa liwasan. Nakapangalan na sa kanya, Jose Rizal Street, ang harapan ng tatlong palapag na bahay na kanyang tinuluyan. Isa na itong kumbento ngayon. Kumatok kami pero nakasara ito at walang tao.

Mula sa Wilhemsfeld bumalik kami ni Ailderene sa HD at pinuntahan ang gusali kung saan nag-aral ng medisina si Rizal. Nakaharap ito sa kalsada na nililinyahan na ng mga modernong tindahan - hindi pa marahil ganito noon ang harapan ng Kolehiyo ng Medisina ni “Pepe”.  Pero may pananda na sa gusaling ito nag-aral si Rizal.

Pumasok kami sa library ng Heidelberg University kung saan noon nag-aaral madalas si Pepe. Moderno ang aklatan na may mga computer para sa mga mag-aaral. Sa film section ako pumasok at nagbuklat ng ilang aklat sa pelikula. Habang binabasa ko ang mga aklat sa makabagong German Cinema, tumibay lalo ang konseptong naisip ko mula sa buhay ni Rizal sa bahaging ito ng Alemanya. 

Pinuntahan din namin ang boarding house ni Rizal na nakaharap sa Universityplatz. Isa na itong tindahan ng libro. Kung may “Noli” man na ipinagbibili sa bookstore na ito,  sinong makapagsasabing tumira sa ikalawang palapag nito noong 1887 ang may-akda? Muli may pananda itong dito tumira ang dakilang bayani ng Pilipinas.

Maikli lamang ang maghapon pero makabuluhan dahil narating ko ang matulaing bayan ng Heidelberg. Nagtagumpay akong tugisin ang nakaraan dito ni Pepe. May maiuuwi akong inspirasyon sa Pilipinas, may dalang kuwento mula sa bahaging ito ng Alemanya.  Bitbit ko ang kanyang mga bakas - si Rizal at ang Heidelberg.